Kinasangkapan ng Diyos ang Sugo sa mga huling araw na ito upang maiparating sa atin ang katotohanan ukol sa tunay na Diyos at sa Kaniyang bugtong na Anak. Naunawaan din natin ang kaparaanan upang magkaroon tayo ng karapatan sa paglilingkod sa Diyos at sa pagtatamo ng kaligtasan. Hindi tayo nag-atubili na pumasok sa Iglesia ni Cristo, ngunit hindi sapat ang pag-anib lamang. Kailangan ay taglay natin ang pananalig ng isang tunay na Iglesia ni Cristo – sa Diyos lubos na itinitiwala ang buhay at kapalaran.
Bakit sa Diyos natin dapat ipagkatiwalang lubos ang ating buhay at kapalaran?
Job 12:9-10 MB
“Alam nila na ang Diyos ang sa kanila ay lumalang. Ang Diyos ang nagpapalakad sa lahat ng bagay, Ang buhay ng bawat isa ay hawak ng kanyang kamay.”
Ang Panginoong Diyos ang lumalang sa atin at Siya ang may hawak ng ating buhay. Alam Niya kung ano ang makabubuti sa atin. Ayaw Niya na tayo’y mapahamak. Ang ibig ng Diyos ay mapabuti tayo. Samakatuwid ay mapapanuto ang ating buhay kung sa Diyos natin ilalagak ang pag-asa at pagtitiwala.
Sinong naglagak ng pag-asa at pagtitiwala sa Diyos ang hindi Niya pababayaan?
Job 8:20 MB
“Hindi pababayaan ng Diyos ang taong matuwid, Ngunit ang masasama, tulong niya’y di makakamit.”
Hindi sapat na napaanib lamang sa Iglesia ni Cristo. Ang dapat ay mamuhay ng matuwid at sumunod sa mga utos ng Diyos upang makamtan ang Kaniyang mga pangako at pagpapala.
Nangangahulugan ba na pinabayaan ng Diyos ang matuwid kung siya ay nakararanas ng kalungkutan?
Job 8:21-22 MB
“Balang araw, pupuspusin ka niya ng galak. Hihiyaw ka sa tuwa, sasayaw at lulundag. Mga kaaway mo’y malalagay sa kahihiyan, at ang masasama sa mundo ay mapaparam.”
Kung nakararanas man tayo ng kalungkutan at kapighatian sa ating buhay ay hindi nangangahulugang pinabayaan na tayo ng Diyos. Mayroong pangako ang ating Panginoong Diyos at kailanma’y hindi Siya lilimot sa Kaniyang pangako. Pupuspusin Niya tayo ng kagalakan. Iingatan at lilingapin Niya ang mga naging tapat sa Kaniya.
Ano naman ang hantungan ng masama pagdating ng araw?
Job 20:5-8
“Na ang pagtatagumpay ng masama ay maikli, At ang kagalakan ng di banal ay sandali lamang? Bagaman ang kaniyang karilagan ay napaiilanglang hanggang sa langit, At ang kaniyang ulo ay umaabot hanggang sa mga alapaap; Gayon may matutunaw siya magpakailan man, na gaya ng kaniyang sariling dumi: Silang nangakakita sa kaniya ay mangagsasabi: Nasaan siya? Siya’y mawawala na gaya ng panaginip, at hindi masusumpungan. Oo, siya’y mawawala na parang pangitain sa gabi.
Magtagumpay man sa buhay na ito ang masasama, makamit man niya ang buong sanlibutan, kung hindi naman niya sinusunod ang mga dalisay na aral at utos ng ating Panginoong Diyos ay wala rin itong kabuluhan. Ang lahat ng tinatamasa niya sa mundo ay walang patutunguhan sapagkat ang tagumpay ng masama ay sandali lamang.
Bakit dapat tayong manindigan sa panig ni Cristo at ng kaniyang Iglesia?
Efeso 1:5-8 MB
“tayo’y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at sa gayo’y pinatawad na ang ating mga kasalanan. Gayon kadakila ang pag-ibig na ipinadama niya sa atin!”
Dito tayo itinalaga ng Panginoong Diyos kaya manindigan tayo sa pagsunod sa Kaniyang mga aral at utos. Bilang katawan ng ating Panginoong Jesucristo, dapat nating tularan ang pagiging tapat at masunurin niya sa ating Panginoong Diyos.
Ano naman ang kapalarang naghihintay sa mga tinubos ni Cristo ng kaniyang dugo?
Roma 5:6, 8-10 MB
“Sapagkat noong tayo’y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan.
Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo’y makasalanan pa. At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya. Dati, tayo’y mga kaaway ng Diyos, ngunit ngayon, tinatanggap na niya tayong mga kaibigan alang-alang sa pagkamatay ng kanyang Anak. Kaya’t tiyak ang pagkaligtas natin sa pamamagitan ng pagiging buhay ni Cristo.”
Ibinigay ng Diyos sa atin ang Kaniyang bugtong na Anak upang tayo’y ariing walang sala. Si Cristo ang namatay para sa ating mga kasalanan. Dahil kay Cristo ay tinanggap tayong muli ng Diyos. Natitiyak natin ang ating kaligtasan dahil sa kaniyang muling pagkabuhay kaya huwag natin itong sayangin. Pakaingatan at pakamahalin natin ang kahalalang tinanggap mula sa Panginoong Diyos. Patuloy nating sundin at lakaran ang Kaniyang mga kautusan. Manatili tayo sa paggawa ng mabuti, sa pagluwalhati at pagpupuri sa ating Panginoong Diyos upang magtamo ng buhay na walang hanggan.
Ano ang pagkakaugnay ni Cristo sa kaniyang Iglesia?
Efeso 5:23, 31-32 MB
“Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito.
Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama’t ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila’y magiging isa. Isang dakilang katotohanan ang inihahayag nito – ang kaugnayan ni Cristo sa iglesya ang tinutukoy ko.”
Ang Iglesia ang katawan at si Cristo ang ulo at Tagapagligtas nito. Ito ay isang dakilang katotohanan. Kaya napakalaking biyaya at kapalaran ang pagiging kaanib sa tunay na Iglesia. . Pakaingatan at mahalin natin ang ating kahalalan na tinanggap sa Panginoong Diyos
Ano ang ginawa ni Cristo para sa kaniyang Iglesia?
Efeso 5:25-27 MB
“Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyong asawa, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para rito. Upang ang iglesya’y italaga sa Diyos matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita. Ginawa niya ito upang maiharap sa kanyang sarili ang iglesya, marilag, banal, walang batik at walang anumang dungis o kulubot.”
Ang Iglesia ni Cristo ang inibig ng ating Panginoong Jesucristo. Inihandog niya ang kaniyang buhay para sa Iglesia na kaniyang katawan niya. Ang Iglesia ay nakatalaga para sa Diyos. Marapat naman na ihandog natin ang ating buhay sa paglilingkod sa Diyos at kay Jesus. Kaya dapat na masumpungan sa atin ang malinis na pamumuhay, walang bahid ng anomang kasamaan. Kaya maging tapat tayo sa pagsunod sa mga utos ng Diyos.
Paano naninindigan ang tunay na nakakakilala kay Cristo?
Filipos 1:20 MB
“Ang aking pinakananais at inaasahan ay huwag akong magkulang sa aking tungkulin, kundi magkaroon ako ng lakas ng loob sa lahat ng panahon upang, sa mabuhay o sa mamatay, mabigyan ko ng karangalan si Cristo.”
Ang isang tapat na lingkod ni Cristo ay hindi dapat na magkulang sa tinanggap niyang tungkulin. Kailangan nating mabigyan ng karangalan ang Diyos at si Cristo. Kaya dapat tayong gumawa nang ayon sa nasa puso at isip ng Diyos. Maging tapat tayo at manindigan din sa pagtupad ng ating mga tungkulin sa Kaniya. Huwag tayong magpahadlang sa mga problema at alalahanin sa buhay. Hilingin natin sa Ama na bigyan Niya tayo ng lakas upang makayanan natin ang pagsubok at malampasan ang mga balakid sa pagtupad natin ng kalooban Niya. Huwag nawa tayong magkulang sa ating mga tungkulin.
Anu-ano ang iba’t ibang tungkulin at ano ang inaasahan sa mga tumanggap ng tungkulin?
Roma 12:4-8 MB
“Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at hindi pare-pareho ang gawain ng bawat isa. Gayon din naman,tayo’y marami ngunit nabubuo sa iisang katawan ni Cristo, at isa’t isa’y bahagi ng iba. Yamang mayroon tayong mga kaloob na magkakaiba ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung paghahayag ng kalooban ng Diyos ang ipinagkaloob sa atin, ipahayag natin ito ayon sa sukat ng ating pananampalataya; kung paglilingkod, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob na pagtuturo at mangaral ang may kaloob na pangangaral. Kung pag-aabuloy, mag-abuloy nang buong kaya; kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung nagkakawanggawa, gawin ito nang buong galak.”
Katulad din ng katawan na binubuo ng maraming sangkap, tayong lahat ay mga sangkap na iba-iba ang kaukulan. Kaya iba’t iba man ang tungkuling ating taglay – pagtuturo ng mga salita ng Diyos, pakikiisa sa pagpapalaganap ng mga aral ng Diyos, pamamahagi ng pananampalataya, pagkakawanggawa, kalihiman, pangangalaga sa kapatid, mang-aawit, atbpa. – dapat nating tuparin ito ng buong puso at ng buo nating makakaya sa ikaluluwalhati ng ating Ama.
Ano pa ang tungkulin sa Iglesia na dapat tuparin?
Roma 12:9-12 MB
“Maging tunay ang inyong pag-ibig. Kasuklaman ninyo ang masama, pakaibigin ang mabuti. Mag-ibigan kayo na parang tunay na magkakapatid. Pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. Magpakasipag kayo at buong pusong maglingkod sa Panginoon. Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa. Magtiyaga kayo sa inyong kapighatian, at laging manalangin.”
Ang isa pang mahalagang tungkulin ay pagtataglay ng dalisay na pag-ibig. Kaya hindi nakikiisa kundi kinasusuklaman niya ang kasamaan. Kaya tama ang paninindigan ng marami nating mga kapatid na taos pusong nililingap ang mga naulila ng Ka Erdy. Matiyaga nila itong ginagawa, hindi alintana ang banta ng mga mang-uusig at panggigipit kahit pa pagbantaan na sila ay ititiwalag nang walang katarungan. Sapagka’t natitiyak nilang ang sinusunod nila ay ang dalisay na mga aral ng Diyos. Ito ang nagtutulak sa kanila upang manatiling nagmamalasakit sa pamilya ng Ka Erdy.
Malulugi ba ang mga nagpakasakit sa pagtupad ng tungkulin?
Filipos 1:20-21 MB
“Ang aking pinakananais at inaasahan ay huwag akong magkulang sa aking tungkulin, kundi magkaroon ako ng lakas ng loob sa lahat ng panahon upang, sa mabuhay o sa mamatay, mabigyan ko ng karangalan si Cristo. Sapagkat para sa akin si Cristo ang buhay at dahil dito’y pakinabang ang kamatayan.”
Napakalaking karangalan kung tayo ay hindi lang basta kaanib sa Iglesia. Kung tayo ay pinagkatiwalaan pa ng pananagutan ay lalo tayong mapapalapit sa Diyos lalo’t iniingatan natin at tinutupad natin ng buong katapatan ang ating tungkulin. Hindi lilimutin ng Diyos ang ating mga pagpapagal. Sapagka’t sa pagtupad natin ng ating tungkulin ay nabibigyan natin ng karangalan ang Panginoong Diyos at ang ating Panginoong Jesucristo.
Anong pakinabang ang maaasahan ng mga tumupad ng tungkulin hanggang kamatayan?
Apocalipsis 14:13,12 MB
“At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mula ngayon, mapapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!” “Tunay nga,” sabi ng Espiritu. “Magpapahinga na sila sa kanilang pagpapagal; sapagkat susundan sila ng kanilang mga gawa.”
Kaya’t kailangang magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa utos ng Diyos at nananatili sa pananalig kay Jesus.”
Sa Bayang Banal ang kapahingahang tinutukoy. Mapapalad ang mga nagtapat at nanindigan sa Kaniyang mga aral hanggang kamatayan.
Kaya, ano ang dapat pagsikapan ng mga nagnanais makarating sa Bayang Banal?
Filipos 3:12,14 MB
“Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako’y ganap na, ngunit sinisikap kong maisakatuparan ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin niya ako.Nagpapatuloy nga ako tungo sa hangganan upang kamtan ng gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na hahantong sa langit.”
Nagpapatuloy hanggang sa hangganan. Kaya hindi sila uurong ni magpapabaya man sa kanilang sagutin. Maraming kapatid at maytungkulin ang ganito. Sana’y ang bawa’t isa sa atin ay magkaroon ng mataas na uri ng pagsunod sa mga utos ng Diyos. Kaya ang pagtupad ng tungkulin ay hindi dapat iiwan. Hindi dapat magpadala sa anomang pagsubok na dumarating sa ating buhay. Dapat ay matatag na naninindigan at sumusunod sa mga utos ng Diyos.
Ano ang sinasabi ng Diyos sa mga inaabot ng panghihina?
II Corinto 12:9 MB
“ganito ang kanyang sagot, “Ang tulong ko’y sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya’t buong galak na ipagmamapuri ko ang aking kahinaan upang palakasin ako ng kapangyarihan ni Cristo.”
Sapat ang tulong ng Panginoong Diyos para sa lahat ng ating pangangailangan. Hindi Niya tayo pababayaan. Siya ang ating gabay at kanlungan, kaya lubos tayong manalig at magtiwala sa Kaniya.
Makasisira ba sa paninindigan ang dinaranas na kahirapan?
II Corinto 12:10 MB
“Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma’y mahina, kutyain, pahirapan, usigin, at magtiis. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas.”
Para sa isang tunay na lingkod ni Cristo, walang halaga kung siya man ay magdanas ng paghihirap, pag-uusig, at tiisin. Kung dinaranas man natin ito ngayon, nakakaramay lang tayo sa naging paghihirap ng ating Panginoong Jesucristo. Ang ating Panginoong Jesucristo ang patuloy na aalalay sa atin upang makayanan natin ang mga tiisin. Ang mga pagsubok na ating nararanasan ay malalampasan natin dahil sa tulong ng ating Panginoong Jesucristo.
Ano naman ang tagubilin kung tayo’y may suliranin?
I Pedro 5:7,10 MB
“Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga kabalisahan sapagkat siya ang kumukupkop sa inyo.
Pagkatapos ninyong magtiis ng maikling panahon, ang Diyos na bukal ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at isang saligang matibay at di matitinag. Siya rin ang humirang sa inyo upang makihati kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo.”
Sa Panginoong Diyos natin ilagak ang lahat ng ating kabalisahan. Sapagkat Siya ang magbibigay sa atin ng katatagan at ng kaganapan. Patunayan natin ang lubos na pagtitiwala sa ating Panginoong Diyos. Magpakatatag tayo at magpakatapang. Sunding mabuti ang mga kautusan na tinanggap natin. Tiyakin nating hindi tayo sumusuway sa anomang utos na iniwanan ng ating Panginoong Jesucristo sa atin, upang magtagumpay tayo sa lahat ng ating gagawin.
Tulungan nawa tayo ng ating Panginoong Diyos upang makatawid tayo sa mga pagsubok na ating nararanasan.
-Minister of the Gospel