MARAPAT BANG IHAMBING SI KAPATID NA EDUARDO V. MANALO (EVM) KAY MOISES? LABAG BA SA BIBLIA NA MANAWAGAN SA LIDER NG BAYAN NG DIYOS KUNG NAHUHULOG SIYA SA PAGKAKAMALI?
Kapansin-pansin na ang binibigyan na lang ng diin ng mga One With EVM (OWE) ministers sa isip ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo ay si kapatid na Eduardo V. Manalo (EVM) ang pinakamahalagang tao sa mundo. Kung bakit ay upang mahikayat nila ang lahat na “walang sinomang maaring pumuna o magtuwid sa kaniya kahit siya ay nakagawa na ng pagkakamali kundi ang Diyos lamang.” Ginagamit ng mga OWE ministers na panakot ang nakatala sa Biblia na nangyari sa mga pumuna o nagsalita laban kay Moises upang magbigay babala o takutin ang mga hindi makatiis pumuna o magsalita ngayon kay Ka EVM. Ipinapapansin nila na hindi sila palalagpasin ni pagpapaumanhinan ng Diyos.
Walang pag-aalinlangan na pinatawan ng Diyos ng mabigat na parusa ang mga pumuna o nagsalita laban kay Moises kabilang ang mga kapatid niya sa laman. Subalit hindi dahil sa ginawa ng Diyos iyon ay makatuwiran nang ipalagay na gayon din ang gagawin ng Diyos sa mga pumupuna o nagsasalita udyok ng pagmamalasakit kay Ka EVM at sa Iglesia. Maling ipanakot ang pangyayari sa panahon ni Moises dahil sa nakikitang malaking pagkakaiba ni Ka EVM kay Moises. Si Moises ay isang lider na may pagkasi ng Diyos sa buong panahon ng pamamahala niya sa bayan ng Diyos. Bagaman may mga naging pagkakamali rin siya bilang tao ay maituturing siyang isang matuwid at makatarungang lider sapagkat hindi niya kinunsinti ang anumang uri ng katiwalian, hindi niya inapi ang sinuman sa halip ay ipinagtanggol niya ang mga inapi at mga pinagkaitan (Exodo 2:11-12, 16-17). Ganito po ba si Ka EVM?
Nang parusahan ng Diyos ang mga kapatid niyang si Miriam at Aaron ay hindi niya sila kinasuklaman ni itinaboy sa halip ay kinahabagan at ipinamanhik pa sa Diyos na pagalingin ang kapatid niya na binigyan ng Diyos ng sakit na ketong (Blg. 12:13). Bakit sa kabila ng pinagsalitaan siya ng kaniyang mga kapatid ay hindi niya sila pinaghigantihan ni pinagmalupitan? Sapagkat maamong-loob si Moises kaya siya ang pinili ng Diyos na manguna sa Kaniyang bayan (Bilang 12:3). Bakas na bakas sa aksiyong ito ni Moises na siya ay isang lider na mapagpahinuhod. Ganito po ba si Ka EVM? Bakit ang nakita lang ng mga OWE ministers sa pangyayaring iyon ay ang pagpaparusa ng Diyos pero hindi nila nakita ang napakagandang katangian ni Moises bilang lider sa bayan ng Diyos. Siya’y isang mapagmahal at mapagmalasakit sa bayan maging sa kaniyang mga mahal sa buhay. Pinagtanggol niya ang mga naaapi at ang mga pinagkakaitan.
Marahil ay inip na inip na ang mga OWE ministers at mga kapanalig nila dahil matagal na nilang itinuturo sa buong Iglesia na masama ang paglaban sa pamamahala ay wala pang kapatid sa laman si Ka EVM na tinubuan ng ketong o nasumpa. Wala pa ring mga ministro, mga may tungkulin, at mga kapatid na tumindig laban sa mga nagaganap na katiwalian sa Iglesia ang binukahan at nilamon ng lupa. Marami-rami na ang mga Defenders ngayon at patuloy pang dumarami. Kung talagang itinuturing ng Diyos na paglaban kay Ka EVM ang pagpuna o panawagan sa kaniya ng mga kapatid niya, ng mga ministro, ng mga maytungkulin at iba pang mga kapatid na nagsalita laban sa katiwalian sa Iglesia, bakit pagtatagalin pa ng Diyos na igawad sa kanila ang pagpaparusa? Noong pagsalitaan si Moises ng mga pumuna sa kaniya kaagad ay ipinataw ng Diyos ang Kanyang pagpaparusa (Bilang 12:9-10; 16:20-21).
Dahil sa wala silang nakitang pagpaparusa ng Diyos sa mga itinuturing nilang kaaway kahit abot-abot pa ang kanilang panalangin maging sa panahon ng pagsamba na sumpain, parusahan at lipulin sila, ang tinatanaw nila ngayon ay ang kaparusahan sa dagat-dagatang apoy. Iyon diumano ang tiyak na sasapit sa mga tinatawag nilang fallen angels, mga makabagong Judas, Restore Tenny Church, at kung anu-ano pang mapanglait na katawagan. Doktrina na ba sa Iglesia ngayon ang humatol sa kapuwa? Ito na kasi ang karaniwang nasusumpungan maging sa mga ministro, kaya tinutularan naman sila ng mga kapatid sa pag-aakalang ito ang tama. Ano ang tinitiyak ng Panginoong Jesucristo sa mga palahatol sa kapuwa? Huwag kayong magsihatol, upang huwag kayong hatulan. 2 Sapagka’t sa hatol na inyong ihahatol, ay hahatulan kayo: at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo. (Mateo 7:1-2). Hahatulan ng Diyos ang palahatol sa kapuwa.
Magkagayonman, kapansin-pansin na pati ang pagdating ng araw ng paghuhukom ay kinainipan na nila. Hindi na nila mahintay ang pagpaparusa ng Diyos. Si Ka EVM na at ang mga kasangguni niya ang nagpapataw ng mabigat na parusa sa mga pumupuna at nagsasalita sa kaniya dahil sa hindi niya pagkilos laban sa mga katiwalian sa Iglesia. Upang palabasing makatarungan ang ginagawa nilang pagpaparusa ay gumagamit din sila ng mga talata ng Biblia (I Corinto 5:13; II Juan 1:10-11 Amplified), mali naman ang aplikasyon. Ilan na ang mga itiniwalag nila sa Iglesia? Ilan ang itiniwalag na ay ginigipit pa, kabilang ang kaniyang sariling ina at mga kapatid sa laman? Nariyang idinemanda, tinakot, binabalaan, at kung anu-ano pang hindi makataong hakbangin, kasama ang patuloy na pananakit ng damdamin. Hindi pa nakuntento roon, sinira ang mga alaala ng kapatid na Eraño G. Manalo, pati mga tahanan ay winawasak para pasakitan ang naiwang pamilya. Ang lalong masahol ay ang pagtataboy o pagkukulong sa kanila upang siguruhing magiging miserable ang kanilang buhay, at pagkaitan sila ng mga pangunahing pangangailangan.
Sa dami ng mga pagkakamaling nagawa at patuloy pang nagagawa ni Ka EVM at ng mga kasama niya sa pamamahala sa Iglesia ay hahaba ang pagtalakay na ito kung iisa-isahin pa. Ang pagtuunan na natin ng pagtalakay ay ang ikalawang tanong sa paksa na, LABAG BA SA BIBLIA NA MANAWAGAN SA LIDER SA BAYAN NG DIYOS KUNG NAHULOG SIYA SA PAGKAKAMALI? Paglaban bang maituturing kung ang layunin ng pumupuna ay magtuwid? Kung masama o mali ang pumuna o magtuwid kapag ang lider o nangunguna ay nakagawa ng pagkakamali, hindi na sana nagsalita si Apostol Pablo at hinayaan na sana niya Apostol Pedro sa maling ginawa niya noong magtungo siya sa dako ng mga Hentil. (Galacia 2:11-15).
Si Apostol Pedro ay mas matanda sa karapatan o mas nauna sa ministerio kaysa kay Apostol Pablo. Kapuwa sila namahala sa Iglesia, si Apostol Pedro sa dako ng mga Judio, at si Apostol Pablo naman ay sa dako ng mga Gentil. Nakasama ba kay Apostol Pedro ang pagpuna o pagsasalita ni Apostol Pablo sa kaniya? Hindi, kundi siya ay naituwid at hindi na lubusang nakahawa pa sa iba, bagaman may mga nahawa rin sa maling ginawa niya. Hindi minasama ni Apostol Pedro ang pagpuna at pagsasalita sa kaniya ni Apostol Pablo sapagkat iyon ay pagtutuwid ng isang kapamatok na nagmamalasakit, hindi lamang para maingatan ang imahe niya bilang Apostol kundi para maingatan ang imahe ng Iglesia.
Kung masama ang magsalita o manawagan sa lider sa bayan ng Diyos ay hindi na sana pinagsalitaan ni David si Saul na hari ng Israel nang siya ay nakagawa ng malaking kasalanan laban kay David (I Samuel 24:9-12,16-22). Bagama’t hari si Saul, hindi nangiming magsalita si David sa kaniya upang ipakilala ang kaniyang pagkakamali, subalit naroon ang paggalang. Kung nagtikom ng bibig si David ay hindi makikilala ni Saul ang kaniyang malaking kamalian o kasalanan laban sa kaniya. Bagaman maituturing na masamang hari si Saul sa bayan ng Diyos, gayunman ay napahinuhod siya kay David nang ipakilala sa kaniya ang kaniyang mga pagkakamali. Hindi niya minasama ang ginawa ni David na pagsasalita at pagtutuwid sa kaniya.
Bakit minarapat ng may akda na paksain ito? Sapagka’t bago pa nalantad ang mga katiwalian sa Iglesia ay mayroon nang mga kumausap, nagpayo at nagpaabot ng mga puna kay Ka EVM sa pag-asang gagawan niya ng kaukulang hakbang. Pangunahin sa kanila ay ang mismong pinanggalingan niyang pamilya, ang kaniyang ina at mga kapatid, mga ministro, mga maytungkulin, mga kamag-anak, malalapit na kaibigan at iba pa na tunay na nagmamalasakit sa Iglesia subalit sa halip na pakinggan ay minasama at itinuring pang pakikialam sa pamamahala niya iyon, na para sa kaniya ay katumbas din ng hindi pagpapasakop at paglaban pa sa kaniya.
Kung nakinig lang si Ka EVM sa mga tunay na nagmamalasakit sa kaniya at sa Iglesia, lalo na sa sariling niyang ina at mga kapatid sa laman, di sin sana ay tiwasay at payapa ang pamamahala niya ngayon sa Iglesia. Di sin sana ay napanatili niya ang katatagan, katiwasayan at kabanalan ng Iglesia.
Ang Ama ang tanging nakababatid kung may nalalabi pang pagkakataon si Ka EVM para ituwid ang kaniyang mga pagkakamali. Si Saul bagaman kinilala ang kaniyang mga pagkakamali ay tuluyan na ring inalis ng Diyos sa pagiging hari (I Samuel 13:13-14), at sa bandang huli ay nagpakamatay siya (II Samuel 1:6-10). Si David na isang matuwid at mapagmalasakit na lingkod ng Diyos ang ipinalit Niya upang pangunahan ang bayang Israel.
Sa mga OWE ministers at mga kapanalig nila na pilit pinagtatakpan ang mga katiwalian sa loob ng Iglesia at ipinamumukha pang naninira lamang sa Iglesia at kumakalaban sa Pamamahala ang mga naghahayag ng katiwalain, sana makapagbukas sa inyong kaisipan ang mga katotohanang inihayag sa akdang ito.
Totoong kay Kapatid na Eduardo V. Manalo nakalaan ang kahalalan bilang Tagapamahalang Pangkalahatan sa pagpanaw ni kapatid na Eraño G. Manalo dahil siya ang inihalal noong Mayo 6, 1994 at inihanda sa loob ng mahigit 15 taon bilang kahalili. Katumbas sana iyon ng ginawang paghalal kay kapatid na Eraño G. Manalo noong Enero 28, 1953 bilang kahalili ni kapatid na Felix Y. Manalo. Subalit ang mga pangyayari sa loob ilang taon bago pumanaw si kapatid na Eraño G. Manalo at sa halos pitong taon na ngayon mula sa pagpanaw niya ay napatunayang hindi naitaguyod ni Ka EVM ang kahalalang dapat sana ay para sa kaniya. Ang pangunahin sanang makapagpapatotoo ng mga pangyayaring nakapaloob sa mga panahong iyon ay ang naiwang pamilya ni kapatid na Eraño G. Manalo subalit hindi niya sila binigyan ng pagkakataon, sa halip ay pilit na pinatahimik sa pamamagitan ng pagtitiwalag, pagtatakwil at patuloy na panggigipit. Kung nakinig lamang sana si Ka EVM sa mga mahahalagang payo na ipinadala sa kaniya ng Diyos sa pamamagitan ng mga nagsalita at nanawagan sa kaniya ay napanatili sana niya ang katatagan, katiwasayan at kabanalan ng Iglesia.
Wala sanang mga Defenders ngayon na nananawagan sa pagbabago o restoration ng Iglesia. Subalit hindi siya nakinig manapa ay nagsawalang-kibo na lamang sa harap ng mga katiwalian at winalang halaga ang mga pagpapayo at pagtutuwid sa kaniya. Kaya sa loob lamang ng halos pitong taon ng pamamahala niya ay ibang iba na ang kalagayan ng Iglesia kaysa sa panahon ng mga naunang namahala. Ang Iglesia ngayon ay pinaghaharian ng pagkakabaha-bahagi, mga paglalabanan, kapatid laban sa kapatid, pagsusumpaan at pagtatakwilan. Marami ang nalilito sa mga nangyayari at labis na nagdaramdam. May sinasabi ang Biblia tungkol sa uri ng lider pagka ganito na ang kalagayan ng Bayan:
“Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya, ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama.” (Kawikaan 29:2 MB).
Sana ay hindi pa huli ang lahat kay Ka EVM, sa mga kasangguni niya, sa mga OWE ministers at mga kapanalig nila para sa isang ganap na pagbabago, iyong tunay na “restoration” ng Iglesia. Labis na ang pinsalang dulot sa Iglesia ng hindi maayos na pamamahala. Pinakahahangad ng mga Defenders at ito ang lagi naming ipinagpapanata sa Diyos na ang Iglesia ay makabalik sa banal, tiwasay, at maluwalhating kalagayan at matapos na rin ang mga panggigipit sa mga itiniwalag lalo na sa pamilya ni kapatid na Eraño G. Manalo.
Minister of the Gospel