April 11, 2016 ENGLISH version
Mga Mahal na Kapatid,
Sa mahaba na rin pong panahon ng pagsisikap namin na mapanatili ang maayos na samahan at nagkakaisang damdamin bilang mga defenders. Sinikap po naming manahimik at alang alang na rin sa kapayapaan ng gawaing ito. Gaya ko po, walang sino man ang pinilit sa atin. Lahat tayo ay narito akay ng pag-ibig, pananampalataya at pasiya ng puso natin na manindigan sa tama nang makita natin ang kalalagayan ng Iglesia ngayon. Hindi tayo narito para maghimagsik o lumaban sa Iglesia kundi manindigan at ipagsanggalang ang katotohanan. Pinag-uusig tayo ng tao pero hindi tayo kailaman tatalikod sa aral ng Diyos.
Ako po ay naniniwala na kaya natin piniling manindigan ay alang alang sa pagmamahal sa Iglesia at pag ibig sa Diyos. Itinuturing ko pong malaking biyaya ang ako’y maging bahagi ng gawaing ito na makatulong sa pangangalaga sa mga kapatid na inaapi, mga itiniwalag at mga patuloy pang ginigipit ng mga tiwaling Ministro. Kung bakit ako napunta sa gawaing ito ay ang Ama lamang po ang nakakaalam dahil Siya po ang nakakatalos ng puso natin. Gaya ng palagi kong sinasabi sa ating mga kasama wala akong kabuluhan, hamak na alipin lamang ako. Ang mahalaga po ay mapangalagaan at mapalakas natin ang mga kapatid sa mga pagtitipon na ating isinasagawa. Lamang ay nakakalungkot na ang lahat ng dakilang layunin nating ito ay naapektuhan dahil sa ilang mga gumagawa ng baha-bahagi at mga pagsisiraan sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga maling impormasyon at napapaniwala ang marami. Marahil ay dala lamang ito ng kakulangan ng pagkaunawa ng iba. Kahit nasa puso nila ang totoong paninindigan ay nasasaktan, nalito at nag-pupuyos ang kanilang damdamin dahil sa maling haka, nababasa at naririnig nilang paninira ng mga taong may ibang layunin.
Bagama’t wala po akong FB ay nakakarating sa akin ang mga issues at paninira sa akin at lahat ng ito ay tinitiis ko na lang at manahimik dahil ito ang inakala kong tamang gawin at ipaubaya na lang sa Ama ang lahat. Ito rin ang payo ng nangalaga sa atin. Maaring nabasa na po ninyo ang mga paninira at bintang sa aking pagkatao, bagay na nakakasakit at nakakadurog ng puso dahil kung susuriin nating mabuti ay taliwas sa ating tunay na adhikain.
Masasakit man ang mga paratang sa akin ngunit ang lahat ay aking tiniis upang ito ay huwag ng makadagdag pa sa dalahin at tiisin nating lahat na mga Defenders. Hindi po ako matuwid. Tulad po ninyo, ako rin ay nagkukulang at nagkakamali. Ngunit alang alang sa gawaing ito, sinikap kong gawin ang makakaya sa ikaayos ng pangangalaga para mga kapatid na naninindigan para sa kapurihan ng Diyos at hindi para sa kanino mang tao.
Marami pong mga Defenders ang sumusulat at nagpapaabot ng pagnanais na magpost ng kanilang saloobin na nasasaktan na rin sa mga ginagawang mga kasinungalingan at paninira sa akin. Ngunit sila po ay natatakot na i-bully rin sila sa social media.Akin pong ipinagpapauna sa inyo na sa mga hinaharap ay maaaring marami pang mga paninira ang gagawin ng kabilang panig laban sa akin pero mananatili po ang katotohanan na ito ay hindi laban kung sino si Bob Caleb Allison (Bernard Garcia), hindi ito pasikatan, kung sino ang matuwid at hindi. Hindi po ito laban ng kung sino man, kundi sa totoong aral po tayo maninindigan na ating tinanggap sa tunay na Iglesia ni Cristo nang tayo’y mabautismuhan at natatakan ng Espiritu Santo at hindi ito dapat na mabago sa pagtakbo ng panahon dahil yon ay tatak natin bilang mga anak ng Diyos, dito tayo hahatulan ng Ama.
Nawa po ang sulating ito ay makapagbigay sagot sa maraming katanungan bunga ng mga paninira. Ang iba naman ay isa- isa nilang tinatawagan para siraan ako at ang mga kasamang nating Ministro para lamang mahikayat na sumama sa grupo nila. Kinailangan po ang pagsagot na ito sapagkat nakita po natin ang masamang layunin ng mga taong nagpapakalat ng mga paninira, ito ay ang magka bahabahagi ang defenders at sirain ang pagtitipon (EGMs).
Ang layunin po natin ay mawala na ang pagkalito, mawala ang baha-bahagi, mawala ang pagsisiraan sa halip ay magkaisa ang para lahat sa banal na gawain. Ipanalangin natin sila lalo na ang mga nalason nila ang isipan na mabago ang puso nila, maibalik ang banal na adhikain para sa Iglesia at huwag silang mauwi sa pagsusulong ng personal na agenda.
Narito po ang aking paglalahad ng KATOTOHANAN, hindi po ito paninira lakip po ang mga ebidensiya at patotoo.
Nagpanggap daw po si Bob na siya si Kapatid na Marc?
Kahit kailan ay hindi po ako nagsabi na ako ang Kapatid na Marc Manalo. Noong panahong hindi pa po ako tiwalag ay nangailangan din ako ng pseudonym tulad po ninyo na nasa talaan pa noon. Kinailangan ko din po ito upang maingatan ang aking sambahayan sa kanilang mga tungkulin at ang akin din pong tungkulin bilang Diakono, Pangulo ng Ilaw ng Kaligtasan at Guro sa Pagsamba ng Kabataan sa lokal ng Elizabeth, NJ. Hindi po totoong lumipat ako ng Manhattan NY gaya ng sinabi ng isang paninira sa akin. Sa lokal po ng Forest Hills lamang ako natala sa NY noon. Madami po ang nag-akala na ako po si Ka Marc dahil sa malaki daw pong pagkakahawig ng aming boses noong panahong ako po ay nagsasalita sa mga pagpupulong, EGM at GEM. Tanging boses ko lamang po ang naririnig at ako ay di po nagpapakita ng mukha. Kahit minsan ay hindi po sumagi man lang sa aking isip na sabihin sa mga kapatid na ako si Ka Marc. Hindi ko rin po sariling kalooban ang mga sinasabi ko at ipinaabot sa mga pagtitipon po noon kundi ang mga iyon ay tinatanggap ko at isinangguni sa nangalaga sa atin at sa mga Ministrong gumagabay sa atin. Lahat po ng yon ay pinagkakaisahan at pinag-uusapan muna namin nina Ka Jun, Ka Louie at Ka Joven. Opo, ako ang palagiang nangunguna sa mga pag pupulong at mga pagpaplano para sa pangangalaga, pero hindi po sa paglaban sa Iglesia, kundi sa mga pagpapahatid lamang ng mga payo batay sa mga talatang ibinibigay sa akin ng nangangalaga.
Alam ito ni Ka Louie Cayabyab. Alam po niya ang totoo na ako ay kausap ng nangalaga sa atin at palagian akong nakaugnay sa nangalaga sa atin dahil sa pagkakatapos naming mag usap ay ipinaabot ko sa kanila ni kaJun Samson ang mga bilin at aming mga napagusapan tungkol sa pangangalaga. Ang totoo po minsan (1 beses lang) na rin pong naipa-kausap ko si Ka Louie sa nangangalaga noon.
Dumating din po ang panahon na ako’y nahihirapan sa pagtimbang sa pakikisama dahil si Ka Louie ay may mga instruction sa akin na kaibayo sa ipinagagawa ng nangangalaga sa atin. Ayaw din niya na nakikipag usap ako kay Ka Jun Samson, kapag may importanteng bilin at sinabi ko kay Ka Jun Samson ay kinukwestion niya ako na para bang ako ay obligado na sabihin sa kaniya lahat ng sasabihin sa akin ng nangangalaga. Maraming pagkakataon na sinasabi ni Ka Louie na sabihin ko na lang daw sa nangangalaga na hayaan na lamang si Ka Jun Samson sa Pilipinas at siya (ka Louie) ang ilagay na leader sa Amerika. Uulitin ko po, ako po ay sumusunod lamang sa tagubilin ng nangangalaga sa atin.
Ang nakakalungkot, matapos nating mailabas si ka Lowell “Boyet” Menorca II sa kanyang detention daw sa Sentral(??), ay nagbuo na sila ng grupo nila, dito na po nagsimula ang paninira sa akin at sa ilang key defenders, kina Ka Jun at Ka Joven. Ako daw po ay nagkunwari na si Ka Marc. Makaraan lamang po ang ilang linggo si Ka Louie po ay humiwalay na noon pa sa defenders at nag grupo sila ni Boyet, itong grupo nila ang nagpakalat at pinaniwala ang mga kapatid na ako daw ay impostor dahil daw sa pagsasabing ako si Ka Marc. Noon ay tiwala ako sa kaniya dahil alam kong Ministro siya at inakala ko po na hindi siya magsisinungaling, pero umayon siya sa paninira sa akin ng grupo nila samantalang alam niya na hindi ako kailanman nagpanggap na si Ka Marc. Gumawa pa sila ng malisyosong kwento na si Bob daw ay mole o espiya, at iba’t iba pa laban sa akin para masira ang EGM.
Si Ka Bob diumano ay naibalik na sa talaan?
Hindi po totoong ako po ay naibalik na sa talaan at lalong hindi rin po totoo na ako ay nagbabalik-loob. Tiwalag pa rin po ako hanggang ngayon. Bakit po nila alam nakatala na ako samanatalang ako po mismo ay hindi ko alam? Sa totoo lang po, 12 beses akong na-interrogate bago nila tuluyang itiniwalag. Naalala ko pa po may isang pagkakataon na sumamba ako, yung pang-siyam na interrogation ko. Pagkatapos po noon ay isinama ako sa kuhanan ng picture ngunit kinabukasan ay may nag text sa akin tungkol sa blog at post sa social media at may nakalagay na, “We Are One With EVM”. – kung alam ko daw po yon?
Nabigla po ako dito at naisip ko po na maaring gusto nila akong palabasing “mole” (espiya /double agent daw ng Sanggunian) upang siraan ako sa mga defenders at ang gawaing ito. Kasunod na rin po nito, ang ako’y inilabas sa post ng isang blogspot tungkol sa RTC na ito po ang nag compromise kung sino si Bob na may picture at snapshots ng corporate documents ng RTC.
Ang tanong po, sino ang nagbigay o nag compromise sa akin sa Sanggunian? Di yata at kinompromise ko ang sarili ko na noon ay di pa tiwalag? Sino po ang mga matindi ang paghahangad at pagpaplano na maalis si Bob kaya lahat ng paninira ay palalabasin nila? Bakit sila ay may kaalaman sa mga ititiwalag?
Sundan po niyo ang mga kasagutan sa bawat akusasyon , pagtiyagaang basahin at unawain, masasagot po ito sa inyong isipan kung sino ang tunay na nanggugulo sa Iglesia at ngayon naman ay sumisira sa defenders.
Tiwalag si Bob at hindi kasama ang kaniyang sambahayan?
Nagtataka ako na sa halip na sila’y matuwa na mayroong hindi mga natiwalag ay ginagamit nila iyon para siraan ang kanilang kapwa defender. Sa nalalaman ko ay hindi lamang ito sa akin nangyari, meron ding ilan na ang pamilya ay hindi kasamang itiniwalag. Kung ano ang dahilan ay hindi ko alam at ayaw kong mag speculate. Walang kinalaman ang aking sambahayan sa aking desisyong maging defender.
Ang 300 daw na natiwalag diumano ay dahil kay Bob?
Wala pong katotohanan ang paratang na ito! Ang impormasyon po na may ititiwalag daw na 300 na kapatid ay nakita ko lamang po sa mga text blasts na isinagawa ng grupo ni ka Louie Cayabyab, ikinagulat ko po na ibinibintang pala sa akin yon dahil ako daw po ang nagbigay ng mga pangalan ng mga ititiwalag. Dahil daw sa tiwalagan at pakikipag-ugnayan sa Sanggunian ay niregaluhan po nila ako ng isang Lexus na sasakyan.
Isang hayagang paninira ito at kasinungalingan. Hindi po ba at ito ang ating nilalabanan mga gawain ng sanggunian ang magpakalat ng kasinungalingan? Anong nangyari sa grupong ito at naging kapareho na sila sa pag gawa ng paninira at pagsisinungaling? Ito ba ang niisip nila na paraan para makahikayat ng sasama sa grupo nila? Nakakaawa ang grupong ito umabot na sila sa ganitong karuming gawain, ang magsinungaling at manira.
Ang katunayan po na pagbibintang lamang ang mga ito ay ang sinanasabi nila na ako rin daw ang naging dahilan ng pagkakatiwalag ng mga kabilang sa grupo ng Davao. Samantalang alam na alam po ng lahat ng mga nakadadalo sa EGM na sila mismo ang malimit na nagpapakita at nag papakilala sa kanilang sarili sa zoom sa kabila ng paalala sa kanila na kung hindi sila handang matiwalag ay huwag silang magpakita.
Ang Lexus po na binabanggit ay isang second hand na biniyaya po ng Ama sa akin at buwan-buwan ko pong hinuhulugan galing sa aking suweldo (hindi ko hiningi kanino mang tao). Madali lang pong makakuha ng sasakyan dito sa Amerika basta po may pang down payment at may trabaho ay mabilis maaprubahan ng financing agency. Eto po ang proof ng aking receipt of car purchase/loan. Ipinalabas po ng grupo ni Boyet sa social media ang paninirang ito sa layunin na masira ako at mapaniwala ang mga inosenteng kapatid na huwag ng dumalo sa EGM.
Sa EGM daw diumano nanggaling ang mga natiwalag at ititiwalag pa?
Kung nanggaling man po yon sa Ecclesiastical Group Meeting (EGM), wala po akong kinalaman doon. Bakit nasabi po nila na sa EGM galing yun? Dahil po ba ang kanilang grupo (GPM) ang nagbigay? Noong panahon po na ako ang host, ay hindi ko po nakikita ang mga pangalan ng users at hindi rin po totoo na napi-picturan ang mga dumadalo, maliban na lamang po kung ang kabilang grupo po ang nag-screenshot noong hindi pa po webinar format ang ginagamit. Noong panahon na hindi pa po webinar ang format ay hindi po ako ang palaging host kundi ang anak ni ka Louie Cayabyab na si Arvin at siya ring Admin ng panahong yon. Sila lamang po ang makakasagot kung ano ang kanilang ginawa at anong nangyari doon dahil sa ang kanilang platform po ang ginamit.
Noong ginawa ko na po na webinar format ng EGM, naisip ko po na mas maayos ito upang hindi po ma-compromise ang mga hindi pa tiwalag na mga kapatid na dumadalo ng EGM, dahil sa webinar format po ay hindi nakikita ang dumadalo at inalis na rin po namin ang ‘meet and greet portion’ pagkatapos ng leksiyon. Ngunit si ka Louie po ay nagreklamo na hindi daw masaya kung walang ‘meet and greet‘ kaya’t ito po ay ibinalik pero naging daan ito upang ang mga kapatid natin na bumabati ay makita at makilala ( at maaring na screen shot). Agad ko po itong ibinalik sa webinar format at inalis ang ‘meet and greet’ portion mula pa noon hanggang sa kasalukuyan. Hanggat webinar format po ang ating pagtitipon ay nakakaatiyak po kayo na hindi kayo mako compromise o makikilala at maging sanhi ng ikatitiwalag.
Note: Ang tinatawag po na webinar ay seminar po on the web, na ang mga dumadalo ay para lamang nanonood ng telebisyon. Hindi po namin nakikita ang viewers. Ang nakikita lamang ay ang mga usernames ng mga dumadalo na karamihan ay mga pseudonyms lamang. Kahit po ang Ministrong nagtuturo ay hindi rin po nakikita ang mga dumadalo. Malaman nyo lamang po ang webinar ID ay malaya na pong makakapanood ang viewers. Hindi po totoo na nakikilala namin ang mga dumadalo na may viewing capacity na 500 attendees sa bawat EGM.
Ganito lamang po ang tipikal na larawan ng webinar format na amin pong ginagawa sa EGM via ZOOM.
Nang-hack daw si Ka Bob ng mga emails sa EGM at ibinenta sa Sanggunian, pumunta sa Texas at nakipagkita sa isang tagapangasiwa (01 -ka L. Castilliones?), kaya daw hindi safe ang EGM?
Nakarating po sa akin ang balitang ito noon pero hindi ko na lang po pinansin, subalit alang alang sa mga kawawang mga kapatid na napapaniwala ng mga mapaghatid dumapit, ay sasagutin ko po.
Ang totoo po marami na akong napuntahang states pero hindi pa po ako nakakarating sa Texas. Ang panahon po na sinasabi nila na ako daw ay bumili ng mahal na plane ticket ay Thanksgiving (turkey) Day. HINDI PO TOTOO ANG IBINIBINTANG NILA dahil nang araw pong yon ay nasa bahay kami ng isang inaanak ni Ka Louie C. at nakikipag celebrate ng Thanksgiving, tinitiyak ko po sa inyo hindi po yon sa Texas.
WALA pong katotohanan na nakipagkita ako sa kung sino man ang sinabi nila na kinatagpo ko doon na Sanggunian at HINDI po totoo na may hawak akong emails at wala rin akong ipinakuhang email sa EGMs. Si ka Arvin Cayabyab ang admin noong mga panahon na yon at nakakaalam ng mga emails ng mga defenders.
Ang layunin lamang po ng pagtitipon ay pagpapasigla, pangangalaga at pagpapayo sa mga natiwalag na mga kapatid na naghahanap ng ikalalakas ng kanilang pananampalataya sa kabila na sila ay natiwalag na, hindi para siraan o sirain ang sino man.
Kailangan daw ni Ka Bob na ibigay ang domain sa kabilang grupo dahil wala daw siyang kaparapatan sa domain ng website?
Ang sagot ko po tungkol dito ay nasabi ko na sa email kay Nina , at doon ay malalaman kung ano po ba talaga ang layunin bakit po may incdefenders.org Please click here
Ano ba ang Restore The Church Fund (RTC) sino ang nagpanukala nito?
Ang pagbuo ng RTC ay kaisipan at panukala ng Ka Louie Cayabyab na pilit niyang ipinasasabi sa akin sa nangangalaga na akin namang ginawa. Dahil sa pagpupumilit ni Ka Louie, ang sabi ko na lang ay dapat maiiwas na madamay sa rehistro ang mga Ministro para maingatan ang kanilang tungkulin. Si Ka Louie Cayabyab ang nagbigay ng pangalan na Restore The Church sabi ko ay lagyan ng Fund dahil ang purpose nito ay para fund management at baka isipin nila na ito ay isang religion. Naipareserve na daw ang pangalan at ready na for registration at ayon Kay Jermaya may tagubilin daw mula sabi ni Ka Louie na ang ilagay na president ng RTCF ay si Arvin C. Sinabi ko po ulit sa kanila na hindi dapat yong may kaugnayan sa Ministerio. Iniingatan natin si Ka Louie dahil Ministro tapos ang anak niya ang magiging president? Kaya sabi ko kay Jermaya ay siya na ang mag president, si Nina ang treasurer at si Julie ang secretary, hindi pumayag si Julie dahil asawa siya ng Ministro, kaya ako ang naisama sa signatories as secretary. Nang marehistro na ito ay nagtulungan na kami para isaayos dahil naroon na. Nilagyan na lang ng kaayusan sa tulong nina Ka Joven at Ka Jun Samson. Umalis na rin po ako sa RTC noong ma compromise ako sometime Nov. 2015.
Ang RTC po ay binuo at pinarehistro para po sa ikaaayos ng pananalapi para mapigilan at maiwasan ang mga pagsasamantala ng iba sa sitwasyon na ginagamit ang pangalan ng mga magkakapatid lalo na po ang mga nasa Tandang Sora. Nawala po ang RTC dahil ayaw po nina ka Lowell Menorca II at Ka Louie Cayabyab ng “too organized” pero bumuo sila ng bago (H2O).
Dito na po nagsimula ang lahat ng paninira sa akin dahil sa mga maaayos na pamamalakad na isinagawa natin sa gawain.
Si Bob daw ang nakinabang sa Restore The Church (RTC) Fund. Diumano si Bob daw ay tumatanggap ng $3,000/ month bilang kabayaran sa pag-aasikaso sa organisasyon at sa website ?
Ako po ay isa sa mga natulungan ng RTC ng halagang may kabuuan na $3,000 lamang at ito ay sa IISANG pagkakataon lamang kung kaya’t HINDI PO TOTOO ang usaping binabato nila sa akin na ako diumano ay nagpasuporta sa RTC sa mahabang panahon hanggang sa kasalukuyan. Dahil po sa aking sitwasyon na nawalan ng trabaho at natapos na rin po ang consulting project ko, ngunit nakakuha naman po ako ng panibagong trabaho na napasabay naman sa kasagsagan ng pag-aayos ng operasyon ng INCDEFENDERS. Ako lamang po ang nag-iisang fulltime na nakatutok sa pagbuo ng gawain at mga grupo, at tumutulong po sa pagsasaayos ng mga pagpupulong. May mga nakatulong naman po ako pero paminsan-minsan lamang at hindi nila magawang tumutok sa gawain. Dahil po doon, ay natuon ang lahat ng aking panahon sa cause na naging sanhi ng pagkakatanggal ko sa trabaho.
Noong panahong iyon, ako ay kasama pa sa RTC pero umalis na ako bilang Corporate Secretary nang ako ay mailagay sa blogspot at ako po ay na-compromised.
Gusto ko pong linawin sa inyo na hindi ko po nahahawakan per sé ang pondo dahil ito po ay nasa pag-iingat nina Jermaya at Liezl Diaz Deocampo a.k.a Nina Aguiluz, na siyang nagbibigay ng mga panggastos lalo na sa mga pangangailangan ni ka Lowell Menorca II at ka Joy Yuson. Ipinagpapaalam lang po sa akin kung sino at saan gagastusin ang pondo at maliban po doon ay wala na po sa akin ang control ng funding. Hindi po totoo na may dalawang RTC. Iisa lamang po ang RTC na may dalawang bank accounts (isa po para sa operations at ang isa po ay para sa cause and expenditures). Hindi na po ito natupad dahil umalis na po ako sa RTC. Wala na po ang RTC ngayon, pinalitan na nila ito ng ibang pangalan. Kung paano po nila ito pinatatakbo ay hindi ko na po alam.
Email ko kay Nina Aguiluz (Liezl Deocampo- treasurer ng RTC) click here => email about 3K
Ebidensya/ Proof ng naibalik ang perang naitulong sa akin.
Note: ang email ko pong yan kay ka Liezl ay wala pong naging tugon sa aking mga katanungan dahil alam po niya na totoo po lahat ang nakalahad doon.
Totoo bang umasa na lang sa RTC si Bob?
Ang totoo po nito ay hindi ko naman dapat kailangang ipaliwanag pa ang aking buhay kanino man, ngunit dahil sa hinihingi ng pagkakataon at alang alang sa mga napaniwala ay kinailangan ko pong gawin ito.
Matapos po akong matiwalag noong December 2015, ay biniyayaan po ako ng Ama ng bagong trabaho at nagsimula po ako noong 2nd week ng January sa isang global organization based sa New York, matapos kong makipag-meeting sa mga investors sa Paris, France para sa aking technology venture.
Kaagad ko pong nabalik ang naitulong sa akin ng RTC na halagang $3,000 sa pamamagitan din ng pagtulong sa nangangailangan. Dahil nawala na nga po ang RTC, ay direkta kong pinadala sa isang Ministro na nangangailangan din ng tulong para sa legal case na isinampa laban sa kaniya ng Iglesia. Kung susukatin po ninyo yung panahon ng aking pagkakawala ng trabaho hanggang sa makakita ako ng panibago, ay napakaikling panahon lamang ito kung kaya’t naging self-sufficent naman agad ako sa pangangailangan.
Hindi rin po totoo na humingi ako ng suweldo sa RTC kahit ito ay naging bahagi ng mga plano dahil hindi po nito kakayanin ng pondo. Ito rin po ang ibinato nilang paninira sa akin na ako daw po ay isang “swindler”??. Napakasakit na paratang at kasiraan yan sa aking pagkatao ngunit hinarap ko po sila sa isang conference (zoom), wala naman po silang napatunayan ukol sa bagay na yan kaya yon ay paninira lamang.
May mga Ministro daw sa Sentral na kausap si Ka Bob kaya siya daw ay mole (espiya ng Sanggunian)?
Totoo po na may mga nakausap akong mga Ministro sa Sentral, USMO, Distrito at Lokal. Ito ay dahil sa na nalaman na nilang ako ang Bob Caleb ng incdefenders. Ito po ay sa panahon na ako ay inuusig at ininterrogate at sa huli ay itiniwalag.
Bago po ako itiniwalag ay may mga Ministro na tumawag sa akin mula Sentral sa opisina ng Ka EVM. Sila ang mga inutasan na kausapin ako na sundin ang sinasabi ng Ka EVM na ako ay tumestigo laban sa RTCF (Restore The Church Fund), at ituro ang mga kasama sa incdefenders. Sinabi ko po na hindi ko kilala ng personal ang mga taong kasama sa incdefenders, may ilan lamang gaya nina Ka Louie at Ka Jun Samson at lahat ng iba ay pseudonyms at nasa social media, kaya, ang sagot ko ay sa FB sila maghanap.
Ang totoo po ay hindi naging magaan sa akin ang mga sitwasyon mula ng ako ay mai-compromise na nagmula sa cellphone ni ka Louie hanggang sa blog dahil nakilalang ako si Bob Caleb Allison kaya ang naging kasunod ay ang mga pag-atake nila sa akin sa social media (FB). Ilang buwan din po yon na linggo-linggo ay paulit-ulit akong pinabalik balik sa opisina ng Destinado sa lokal para tanungin, insultuhin, takutin (hanggang sa inalisan nila ako ng lahat ng tungkulin) at paulit ulit na paratangan. May pagkakataon na kahit hating gabi ako ay ipinatatawag, may sitwasyon din na hindi lamang isa ang susundo sa akin sa aking tirahan para kausapin, mentally tortured and harassed pero awa ng Diyos at pagpapayo ng mga ministrong kasama ko ay nalampasan ko po yon. Madalas kapag tinatawag ako ay sasabihin na Desitinado ang kakausap sa akin pero pagdating ko magugulat na lang ako na naroon ang taga Sentral, minsan ay 01, at may pagkakataon pang galing sa U.S. main office, pero ang nakakapagtaka, hindi naman ako itinitiwalag. Kaya ang totoo hindi lamang Ministro sa Sentral ang mga kumausap sa akin.
Dahil sa ako ay na compromised na, marami pong pangyayari na hinarap tayo alang alang sa mga adhikaing ito ng defenders na makatulong sa ikaayos ng Iglesia. Pero hindi ko alam na may mga kasama tayo na pinag-isipan na ng masama ang matagal at maraming interrogations sa akin (12 total). Ginawan na ako ng kwento na ako daw ay bumaliktad na at naging tao ng Sanggunian. Noon din ay may isang pagkakataon na kinausap ako ng isang defender para makipagusap daw ako kina Ka Bienvenido Santiago, Ka Jun Santos at sa Ka EVM para sa kapakanan ng Pamilya, para daw sa ikaayos ng lahat. Siguro po ito ay dala ng matindi niyang pagmamalasakit kaya inakalang ang pagkakasundo ng Pamilya ang magiging lunas sa problemang ito ng Iglesia.
Matindi ang panunuyo sa akin ng nabanggit na defender at siya daw ay may access at madalas na nakakausap ng isa sa mga senior member ng Sanggunian. Araw -araw ang pamimilit sa akin ng taong ito at sa pakiramdam ko ay dala ng totoong pagmamahal sa Pamilya at sa Iglesia. Matindi daw ang paghahangad ng Ka EVM na malunasan ang suliranin sa Iglesia. Ipinahanap daw ako at gustong makausap ng Namamahala para ipaabot ko ang mensahe sa Ka Teny at sa kapatid nila. Hindi ko alam na nakikipag-negotiate siya (ang defender) na ipakausap ako sa Ka EVM para sa kapakanan ng Pamilya na mabigyan ng ikabubuhay at bigyan ng layang mamuhay na hindi tinutugis ng Sanggunian. Nagpanata po ako ukol dito.
Hindi po ako pumayag na over the phone ang aking pakikipagusap sa Ka EVM at kung mangyayari yon ay dapat actual at personal kaya sila ang nag-ayos na sa ibang bansa ako pupunta. Nag-set siya ng meeting na papapuntahin ako doon sa ibang bansa para makipagkita sa Ka EVM at makausap ng personal at sabihin ang layunin ng mga defenders at mapag-usap na ang magkakapatid. Ako po ay halos pumayag na sana noon dahil sa hirap na dinaranas ng mga magkakapatid sa Tandang Sora lalo na po ng panahong yon (at maging sa kasalukuyan man). Ang isang kundisyon nila noon ay kakausapin ko muna si Ka Jun Santos. Hindi ko po kinausap si Ka Jun Santos. Mabigat po ang sitwasyon noon para sa akin dahil noon ay sunod-sunod ang mga panggigipit sa Tandang Sora at halos araw araw din naman ang interogation sa akin.
Ang plano nilang yon na pagpunta ko sa ibang bansa para sa pag uusap ay hindi nangyari, hindi po niloob ng Diyos. Ito po ay dahil sa noong minsang ininterrogate nila ako naramdaman ko na ako ay ipapakausap na sa Ka EVM dahil sinabi ko na ayaw kong makipag-usap sa kanila kundi sa Ka Eduardo lamang. Nang ako ay umuwi ng gabing yon , nag-email kaagad ako at ipinag-paalam ko po sa Ka Teny na malamang na makausap ko na ang Ka Eduardo na inaakala na isang magandang pagkakataon para maipaki-usap ko na magkausap ang Pamilya. Ang ipinarating po sa akin na sagot ng Ka Teny ay, “Ang sagot ng mommy ay hindi ka niya pinapayagan at hindi ka rin niya pinagbabawalan. Mag-ingat ka lang daw at ingatan ka ng Ama”.
Nang sumunod na mga araw gaya ng inaasahan ay muli po akong ipinatawag, habang ako ay pinagsalaysay ay biglang pumasok ang aming Ministro at ipinakausap ako sa Ka EVM over the phone. Sa aking pakikipag-usap ay aking sinabi ang layunin ng incdefendders na ito ay sa pangangalaga at pagmamalasakit sa mga kapatid na mga inusig at itinawalag at hindi po paglaban sa Iglesia. Kaugnay ng aming pinag-usapan ay tinanong niya ako kung ano ba ang aking nais na hilingin sa kaniya, at may pasubali pa Siya na, “Basta tandaan mo na sa Iglesia ay walang compromise”. Sinabi ko po sa Ka EVM na wala po akong hiling na para sa aking sarili, na ang tanging layunin ko po ay para makiusap sa inyo na kausapin na po ninyo ang Ka Teny at ang inyong mga kapatid , yon lamang po. Hindi po ito nangyari dahil ang sabi ng Ka EVM ay papagsalaysayin ang kanilang Ina at mga kapatid na sila ay dapat na magpapasakop at tatanggapin ang posisyon niya bilang Namamahala ngayon.
Ang binalak ng isang defender na aking nabanggit ay ipinasok ko din sa aming paguusap ng Namamahala pero hindi na niya binigyan ng pansin. Sa paguusap po naming yon ng Ka EVM ay doon ko rin nalaman na kilala na niya na ako si Bob at ang aking pangangalaga sa defenders. Sinabi sa akin ni Ka EVM na alam niyang lahat ang mga kasama sa incdfenders, kilala na rin ng Sanggunian dahil ito ay sinabi na ni Lowell “Boyet” Menorca II sa kanila (under duress??). Nabanggit pa ng Ka EVM na galit sa akin si Ka Jun Santos dahil sa pagkabuo ng RTCF ( Restore The Church Fund). Doon ko po nalaman na alam pala nila ang mga aktibidad ng mga defenders dahil may kumunikasyon nga si Boyet at Ka EVM lalo na sa Sanggunian.
Kaya pala sunod sunod ang mga natitiwalag at nagsimula na rin ang mga character assassinations sa akin at sa iba pang defenders maliban doon sa ilang sumama sa grupo ni Boyet ngayon. Nauna dito ang pagkakalagay sa akin sa isang blogspot at tungkol sa RTCF. Ang pinaka-sentro ng paninira nila ay para magkabaha-bahagi ang mga defenders na naninindigan sa tunay na aral ng Diyos.
Ang hindi po namin alam ng mga kasama ko sa incdefenders, ay si Ka Lowell pala ang noon pa man ay nakikipagugnayan sa Sanggunian (may mga katibayan po ito at ilalabas namin sa tamang panahon). Siya din ang nakikipagusap at nagpaparating ng tungkol sa lahat aktibidad ng defenders at ito ay ipinararating sa kaniyang mga contacts lalo na sa Ka EVM. Inamin ni Boyet na siya ay may communication kay ka EVM sa isang pagpupulong noon kasama ang mga Ministro (via zoom) na pinangunahan ni Ka Jun Samson (kasama din po ako doon late nga lang akong nakapag-log in). Pero madiin niyang itinanggi ng sabihin ko sa kaniya sa pagpupulong na yon, na siya ang sinabi ng Sanggunian na nag-compromise sa akin, sinabi niya “kahit mamatay pa ang anak at asawa ko, hindi totoo yon!” (pero tumakas ng may banta daw ang anak niya?? ito ba talaga ang dahilan kaya siya pinatakas ??) Ang mga kawawa na napaniwala, sila ba ang bumabalikat ng gastos ni Boyet sa abroad??Sino?
Kayo na po ang mag-isip kung sino ang ugat ng kaguluhang ito sa gitna ng defenders at bintangan kung sino ang espiya o tinatawag nilang mole. Nakakapagtaka na marami silang itinuturong defenders at natitiwalag kaagad, pero ang mga kasama ni Boyet na napapakinabangan sa pagso-solicit ng pera ay hindi natitiwalag hanggang ngayon.
Pinagbintangan ako sa social media na ako daw ay naging mole o espiya ng Sanggunian?
Hindi nyo po alam ang pinagdaanan ko, at mga isinakripisyo para sa gawaing ito para hatulan nyo ng ganon na lamang? Huwag po kayong basta maniniwala sa mga paninira at walang patotoo. Opo may ilan sa mga tumayo na nagsasabing defenders diumano subalit nahayag ang mga personal agenda (may ebidensya tayo ng pagbebenta nila sa defenders kapalit o kabayaran sa kanila).
Mag-ingat po tayo, sila ang kasama sa mga pagsisiraan ngayon sa kalipunan ng mga defenders. Ilalabas din po namin ito para malaman ng mga kapatid ang totoong mga sumira sa Iglesia.
Ganito po ang paninira nila sa akin sa social media maging kay Ka Jun Samson.
Alam po ng Ama ang puso ng inyong lingkod sa gawaing ito, hindi dahil sa kung sino man, hindi para sa tao kundi para sa Diyos. Dahil sa pagmamahal sa Iglesia at paninindigan sa mga aral at katotohanan na ating tinanggap. Walang bagay at katumbas na halaga o pera na kayang ibayad sa aking paninidigan, pag-ibig sa Diyos, pagmamahal sa Iglesia at pagmamalasakit sa kapatid. Higit pa sa buhay at kapakanan ang nakataya sa paninindigan at prinsipyo kong ito para sa Iglesia.
Matapos po akong matiwalag noong December 2015 ay wala na po akong nakakausap na Ministro sino man sa kanila sa Sentral. Ang mga tunay na Ministro na lamang na nakakausap ko ay sina Ka Jun Samson at mga kasama na may totoong paninindigan sa katwiran ng Diyos.
Si Bob daw ang nag-compromise sa mga kapatid na nagdeposito ng mga tulong sa Chase Bank kung kaya’t sila ay natiwalag?
Wala pong katotohanan yan. Napag-alaman po namin na may isang defender na nagtatrabaho sa Chase Bank na may access po siya sa mga information ng mga depositors sa RTC. Kinuha niya po ang lahat ng mga pangalan ng mga donors at kanya pong isinumite kay Ka Benefrido Santiago, ninong niya sa kasal. Ito po ay nalaman ko rin dahil doon sa 3rd interrogation sa akin, ay sinabi ni Ka Benefrido sa akin na ang tungkol sa RTC, na noon ay kakabuo pa lamang at iilan pa lamang ang nakakaalam. Ang lalong nakakapagtaka ay tinukoy din niya ang mga pangalan ng signatories sa RTC at ako nga daw ay isa sa mga yaon.
Pinag-iisipan pa po namin kung ang kapatid na ito ay irereklamo sa bangkong kanyang pinagtatrabahuan dahil sa kanyang ginawang “invasion of privacy” at “depositors’ confidentiality” na labag po sa kanyang trabaho at sa batas. Siya rin po ang dahilan kung bakit ang pagkaka-upload ng video ng ka Angel at ka Tenny sa Youtube ay biglaang na i-upload.
Ang Ecclesiastical Group Meeting (EGM) at ang Global Ecclesiastical meeting (GEM) daw ay para manghingi ng pera sa mga kapatid?
Wala po ng katotohanan ang paratang na ito. Ang totoo po pagtitipon at pangangalaga ang una at natatanging layunin kung kaya’t nabuo po ang INCDEFENDERS. Ito po ay nagsimula nang pansamantalang nahinto ang postings ni Antonio Ebanghelista (AE), at nahuli (?) si ka Lowell Menorca II sa Sorsogon at nakulong (?) sa Cavite. Ayon po ito sa payo ng nangalaga sa atin na nagbilin na hanapin at pangalagaan ang mga inaapi at itiniwalag na mga kapatid na noon po ay patuloy na dumarami ( hanggang sa kasalukuyan ). Palakasin at payuhan upang maging matatag at makabalik po sa Iglesia pagdating ng angkop na panahon na ipinahintulot ng Ama. Kung ang isang nagbabasa ay nagsusuring mabuti, ang pagtitipong dapat niyang daluhan ay ang EGM/GEM, dahil ang katawagang ito ay ayon sa Ministrong nangalaga sa atin. Walang abuluyan at wala din pong kinokolektang pera sa mga pagtitipon (EGM/GEM). Kung mayrooon man pong kusang tulong na finacial noon ay ang RTC Fund po ang nagsaayos. Wala na pong RTC since last year.
Ang mga pangkatin na hindi po nasa ganyang katawagan ay hindi po natin kasama. Anoman pong pagtitipon meron sila ay dahil na rin sa kahilingan ni Ka Louie Cayabyab na humiwalay sa grupo ng EGM/GEM. Ang ayaw niya ay ang pangunguna ni Ka Jun Samson na ayon sa kaniya ay self appointed. Sa Norhtern California na lang daw siya. Bagamat mali ay iginalang namin ang desisyon niya, pero parang hindi siya nasiyahan dahil pinag-tatawagan niya ang mga kapatid sa labas ng Northern California hanggang East Coast. Ang totoo maraming tawag sa amin, reklamo mula sa mga kapatid sa Europe na iniisa-isang tawagan ni Ka Louie para daw sumama sa kanila. Ang paraan daw ay inaatasan niyang manalangin sa panata nila para hindi makatanggi. Nagtatanong ang mga kapatid kung alam daw po ba namin yon. Wala po kaming alam doon. Akala ko po ba ay ang gusto nila ay kani-kanilang grupo na lamang. Katulad daw ng mga unang Kristiano na nagtatago sa mga katakumba. Ang ginagawa nila ngayon ay kung ano ang ayaw at pinupuna nila noon tungkol sa EGM.
May mga nalilito ring mga kapatid dahil kapag tinanong daw nila si ka Louie kung nasaan ang leader nilang si Boyet ang sinasabi daw ni Ka Louie ay nasa California kasama ni Ka Jun Samson. Malaking kasinungaligan po ito. Bakit di alam ni ka Jun Samson na magkasama pala sila ni Boyet? Kung maaari lang po sana na huwag nang manghikayat pa na gumawa ng pagkakabaha-bahagi sa pagitan ng mga Defenders.
Sa aming panig, HINDI po kami namimilit kung sino ang dadalo. Ang pinakamahalaga po sa amin ay maihanda at maisagawa po lamang ang pagtitipon. Kusa at akay po ng pananamapalataya ng dumadalong mga kapatid na nais pong makasumpong ng ibayong kalakasan sa pamamagitan po ng mga salita ng Diyos. Sa ngayon po ay may mga time zones na matatag at patuloy na dumarami ang mga kapatid na sumasama dito dahil sa kasabikang madama ang Espiritu Santo sa mga pagtitipong ating isinasagawa sa pangunguna ng mga Ministro na totoong nagmamalasakit.
Si Bob daw po ang nagmamay-ari ng mga dummy accounts na Amos Escala, Johnny Concepcion, Wei Gonzales, Joseph Gordon Levitt at Filipina Crisostomo?
Ang mga dummy accounts po na mga yan ay hindi po akin.Wala din po akong chat group sa facebook FB, hindi din po kasali sa ano mang group sa FB. Since last year po ay di na ako nakakapag-browse sa FB na gamit ang aking nag-iisang dummy account na Robert Carpio ( di ko na po ito mabuksan dahil di ko na po maalala ang password ). Gayon pa man, noong nagsimula na po ako sa bagong trabaho ay naging abala na rin po ako sa aking mga ginagawa. Nalalaman ko na lang po ang mga isyung binabato po sa akin sa pamamagitan po ng mga kasama ko sa gawain.
May ilang defenders po na nagpo post sa FB na nagsasabi ng totoo pero hindi po nagtatagal at idina down po kaagad ng kabilang grupo gaya ng inyong nakikitang screen shot. Kung ito pong mga sagot na ito ay sa FB natin inilabas maaring mawala na din ito hindi na mabasa ng mga kapatid na naghahanap ng katotohanan.
Ang malimit po na sinasabi ni Ka Louie sa mga Ministro at sa ilang pagpupulong ay hindi siya naniniwala na si Bob ay mole sapagkat matagal na niya akong kilala. Salamat po naman, kaya lang ay bakit hindi niya sinasaway ang kaniyang mga kasama sa pagbibintang na ako ay isang mole o isang espiya (double agent)? At itinatanggi niya na ako ay naka-ugnay sa nangalaga noon? Nagtatanong lang po.
Mga mahal naming kapatid, kahit kailan ay hindi ko po itinaas ang aking sarili sa kahit kanino man dahil sa harapan ng Diyos ako po ay walang kabuluhan. Ako man po ay hindi ko inakalang mapupunta sa ganitong kalalagayan, subalit itinuring ko pong malaking biyaya mula sa Diyos ang makabahagi sa gawaing ito. Ang totoo nangliliit po ako sa napaka-dakilang gawaing ito para sa pagsinop at pag-akay sa mga kapatid sa gitna ng unos na nararanasan ng Iglesia ngayon. Hindi po ako Ministro kundi simpleng kaanib lang na nagmamahal sa Iglesia, sa Ministerio at handang ibigay ang buhay para sa kapakanan ng gawain sa layuning mapapurihan ang Ama.
Sa maraming pagkakataon at aktibidad ng Iglesia ay kabahagi po ako at alam po ng ilan sa Sanggunian yan. Kahit maraming dinanas na paguusig at sakrepisyo ay tiniis ko po, naipagtagumpay dahil sa awa at tulong ng Ama. Hindi para magbigay lugod sa tao kundi yon ay para sa Diyos. Napakasakit po para sa inyong lingkod ang nangyayaring pagsala-ula ngayon sa Iglesia, pang-aapi sa mga kapatid, ito ay alam kong damdamin din ng marami sa atin ngayon kaya narito tayo sa adhikaing ito. Hindi po natin maiiwasan na masaktan at madala ng emosyon dahil sa mga nababasa at nakikitang nangyayari sa kasaluyan, ngunit dapat ay gamitin po natin ang ating pag-iisip akay ng ating pananampalataya. Kagaya po ng naging paalala sa atin ng Ka Erdy noon, ang tunay na Iglesia Ni Cirsto ay nag susuri. Ipinagpapasalamat ko po sa Ama na kahit sa maliit na bahaging ito ay mapatunayan natin sa Diyos na tayoy hindi naduwag na manindigan sa tama at magtapat sa panig ng Diyos at ng Panginoong Hesus.
Sa mga nakabasa ng mga paninira sa akin ay huwag po tayong tumingin sa pagkatao nino man. Hindi po ako ang mahalaga, ang mahalaga ay masabi ko po ang katotohanan hindi para kampihan nyo ako kundi ay magkaisa tayo sa paninindigan kasama ng mga kapatid na nagmamahal sa Iglesia. Sa kalalagayan po ngayon ng Iglesia, hindi po ang defenders and mag-aayos nito, ang Diyos po ang siyang hahatol ng may buong katarungan para sa Iglesia na bayan Niya.
Alam po natin ang tunay na lingkod ng Diyos ay nagmamahal sa Iglesia, nagtatangol at naninindigan sa katotohanan, hindi matuwid subalit nagsisikap na maging matuwid at tapat sa harap ng Diyos. Hindi nagbibigay lugod lamang sa tao, may malasakit sa kapatid lalo na sa mga nanghihina at inaapi, pinalalakas ang pananampalaya ng mga kapatid, inaakay sa tamang pagsunod. Noon pa man po ay pinayuhan na namin ang defenders na huwag maki gulo sa social media (FB etc.) Mahinahon at nakakaalam gamitin ng tama ang social media para sa katotohanan at marami ang makinabang. Hindi natin dapat gamitin ang FB sa pag sisiraan. Ito po ang mga katangian ng isang tunay na Iglesia Ni Cristo na natutong sumunod sa Diyos, naninindigan sa aral, may kababaan at hinanahanap ang kapayapaan, nasa isip at nakatanim sa puso na ipagsasanggalang ang Iglesia – ito ang tunay na defender of the truth – incdefenders.
Sa huli po, mga mahal na kapatid matapos ko pong masagot ang mga akusasyon sa lahat ng mga ito na ibinibintang sa akin sa layunin ng kabilang grupo na sirain ang aking pagkatao para mawalan ng credibility sa mga defenders, huwag po sana nating ipagkamali na ang gawaing ito ay paglaban sa kung kanino man at lalong hindi po ito paglaban sa Iglesia. Ang incdefenders ay para sa Ama at sa Kaniyang Iglesia, kalaban ng mga sumisira sa Iglesia, at sa mga lumalapastangan sa katotohanan na tinanggap natin na nakasulat sa Biblia. Madalas ko pong sabihin noon na wala akong kabuluhan at magpapatuloy ang gawaing ito kahit wala si Bob dahil ang Diyos ang nakakaalam ng lahat. Ang Diyos ang nasa unahan ng gawaing ito at maglalagay ang Ama ng mangangalaga at magmamalasakit sa bayan Niya. Hindi po incdefenders ang mag re-restore ng Iglesia, ang Diyos po lamang ang makakagawa ng bahaging yan, sa Kanyang paraan, ayon sa kanyang kalooban at sa panahong Kanyang ipagkakaloob pero kailangan makita ng Ama na nagkakaisa tayo sa paninindigan sa katwiran ng Diyos.
Nais ko pong ibahagi ito sa inyo ang tinanggap ko sa nangangalaga noon kasama ng kaniyang pagpapayo, pagmamahal at pagpapaalala sa plano ng Ama sa atin;
Ang Diyos ang nakakaalam kung ano ang plano Niyang inihanda para sa ating ikabubuti, umasa tayong Siya pa rin ang naghahari sa Iglesia. Siya rin ang magtatanggol sa atin sa pamamagitan ng Kaniyang Espiritu. “Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito’y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa.” Jeremias 29:11 RTPV05
Patuloy po nawa tayong magkaisa sa paggawa ng mabuti at matuwid, tunay na nagmamahal sa Iglesia at sumusunod sa aral. Sa gayon po ay matitiyak natin na sasagutin ng Ama ang atin pong mga pananalangin. Mahal na mahal po namin kayo.
Maraming Salamat po.
Bob Caleb Allison
MGA KATOTOHANAN NA DAPAT BASAHIN AT MALAMAN NG LAHAT LALO NG MGA KAPATID SA IGLESIA NI CRISTO.
— ABANGAN—-