PAGTUTUWID AT “PASASALAMAT” KAY BOBBY FERNANDEZ By: Isaias T. Samson, Jr.
NOTE: Bobby, hindi ka namamalik-mata sa nababasa mong pagpapasalamat ko sa iyo at sa mga taong nasa likod mo, sapagkat, sa tuwing may ipinopost kayo sa FB, ay lalo ninyong naihahayag na kami sa EGM, ay hindi nagtuturo ng laban sa mga doktrina ng Iglesia gaya ng nakasulat sa pinakalatest na sagot ninyo na: “hindi namin pinagbabawalan ang mga kapatid na sumamba at mag-abuloy.” Para rin sa inyong kaalaman at upang huwag na kayong maghirap pa sa pagba-base sa inyong sariling haka-haka o sa hearsay, ay liliwanagin namin kung ano ang itinuturo namin sa mga kapatid: “Sumunod kayo sa mga TAMANG ipinatutupad sa Iglesia, huwag sa HINDI TAMA o sa anumang labag sa doktrina at wastong tuntunin, upang ang Diyos ay hindi magalit sa atin.”
Hindi na kailangan na kayo ay maging si ka Tunying para masagot nang punto por punto ang mga inilahad kong sagot sa nauna ninyong ipinost, subalit sa halip ay inihalintulad ninyo ako kay satanas “dahil sa paggamit (ko) ng mga talata.” Yayamang sinitas ninyo si satanas, ay ipaalala natin sa mga sumusubaybay kung sino siya at sino ang tunay na mga katulad niya. Hindi ninyo binanggit ang isang napakahalagang katotohanan: Na kaya sumisitas ang diyablo ay upang magsinungaling, sapagkat siya ay SINUNGALING at ama ng mga ito, at ang layunin niya ay pumatay ng mga kaluluwa sapagkat siya ay MAMAMATAY-TAO (Juan 8:44).
ILANG KATANUNGAN:
- Bakit wala kayong naisagot sa lahat ng aking sinabi, sa halip ay itinulad na lang ninyo ako sa diyablo? Wala ba kayong maisip na kasinungalingan? Ang katulad mo (ninyo) ay isang tao na nang masukol sa paggawa ng masama at walang maikatuwiran, ay minura na lang at siniraan ang nakahuli sa kaniya para mapagtakpan ang kaniyang pagkapahiya at ang katotohanan.
- Alin ang kasinungalingan sa mga inilahad kong pangyayari lalo na sa mga talatang ginamit ko na nagsasabing “ang dapat itiwalag ay ang masama” at “huwag makibahagi, sa halip, ay ilantad ang mga gawa ng kadiliman”? Pagiging masama ba at karapat-dapat nang itiwalag agad ang isang kapatid na nagdaramdam, nag-uulat at nagtatanong sa mga nakikita niyang mga gawain na sumisira sa Iglesia?
Ang ilang halimbawa ng kanilang itinatanong ay ang tungkol sa mga naglalakihang utang sa mga Banko kaya naisanla ang maraming real properties ng Iglesia. Naitatanong din nila kung bakit mangilan-ngilan na lang ang naipatatayong malalaki at magagandang gusaling sambahan at halos lahat ay mga “Barangay chapels” na lang, samantalang hindi lingid sa Iglesia na napakalaking halaga ang natipon sa panahon ni Ka Erdy sa layuning “malipol” na ang mga abang gusaling sambahan, at magkaroon na ang lahat ng mga lokal ng maayos na pinagsasambahan. Hindi rin maiaalis na sila ay magtanong kung saan napupunta ang kanilang mga abuloy at handog dahil kitang-kita nila na maraming ipatatayo sana at sinimulang itinayo na hindi pa matapos-tapos at mapakinabangan ng Iglesia, gaya ng EVM Convention Center na kasabay pang sinimulang itayo ng Phil. Arena.
Nasaksihan rin ng marami, kaya nabuksan ang kanilang isipan, ang ginawa ninyong panawagan na magrally ang lahat ng mga kapatid sa harap ng DOJ at sa Edsa subalit 15,000 lamang ang tumugon at nagtipon na malayong malayo sa inaasahan ninyong milyones o daan-daang libong dadalo bagamat nagawa pa rin ninyong pinsalain ang daloy ng trapiko at maging ang mga negosyo at trabaho ng napakarami. Alam kasi ng karamihan na isinasangkalan lamang ninyo at NAGSISINUNGALING KAYO nang ipakalat ninyo ang balita na pati si ka EVM ay isinama ko sa illegal detention case na aking isinampa dahil alam nila na laman ng lahat ng mga balita kung sino lamang ang mga kasama sa naturang kaso.
Pilit ninyo silang dinadaya at pinapaniniwala (hanggang ngayon) na ako agad o ako ang naunang nag-file ng kaso samantalang iyon ay ginawa ko lamang pagkatapos na ako’y inyong kasuhan ng libel at makaranas ng walang tigil na pagtugis at harassment.
Maaring napapaniwala ninyo ang marami sa inyong kasinungalingan pero hindi ang mga bukas ang isipan na alam ang mga tunay na nangyayari. Sa patuloy ninyong ginagawa ay patuloy ding dumarami ang nagigising at naitutulak ninyo sa paghihimagsik ng kalooban. BAKIT HINDI NA LANG NINYO ITUWID ANG INYONG PAGKAKAMALI AT TIGILAN NA ANG LAHAT NG KASINUNGALINGAN?
Kapansin-pansin din ang discrepancy o kontradiksiyon sa inyong isinulat na ayon sa inyo ay pananalita kong lahat, tulad ng: “Laging bukang bibig niya sa mga kapuwa niya itiniwalag: ‘kahit tayo’y itiniwalag, KAANIB pa rin tayo sa Iglesia’.” sinundan pa ninyo ng: “Kahit nasa LABAS daw sila ng Iglesia ay may karapatan pa raw sila sa pagsunod sa utos ng Diyos at sa pagtatamo ng kaligtasan.” Napansin niyo ba ang contradiction sa mga sinasabi ninyong sinabi ko? Totoong lagi kong sinasabi na “tayong mga unjustly o wrongly expelled ay mga kaanib pa rin sa Iglesia,” subalit wala akong sinasabing, “Kahit nasa labas tayo ng Iglesia” dahil nga sa ang pananampalataya namin ay hindi kami itiniwalag ng Diyos sa pagiging “kaanib sa Iglesia.” Tandaan ninyo, ang “taktika” o pamamaraan ni Satanas, ay baguhin, o dagdagan, o bawasan ang kaniyang sinisipi. Buti na lang at sa pagkakataong ito ay hindi ang talata ng Biblia ang inyong binago kundi ang mga salita ko lamang, gayunpaman, hayag na hayag pa rin ang style ni satanas.
Wala kaming “itinuturo na lahat ng natiwalag ay mga kaanib pa rin sa Iglesia dahil tao lamang ang nagtiwalag at hindi ang Diyos,” sapagkat marami na ang natiwalag at dapat matiwalag dahil sa “pamumuhay na labag sa pagka-Cristiano” gaya ng mga gumagawa ng korupsiyon at mga anomalya sa Iglesia. Ang ganiyang uri ng natiwalag ang “nawalan (o mawawalan) ng karapatan sa paglingkod sa Diyos at sa kaligtasan,” hindi ang mga naging biktima ng “unjust or wrong expulsion” dahil sa kanilang pagsasanggalang sa Iglesia at sa katotohanan. Ang halimbawa nito ay nabanggit ko na sa itaas (See: Ilang Katanungan no. 2). Hindi ba’t maging sa kasaysayan ng Iglesia ay may mga naitiwalag na ibinalik din dahil nagkamali sa unang pasya bunga ng maling ulat , impormasyon, o rekomendasyon. Hindi ba ninyo napapansin na karamihan sa mga itiniwalag ninyo ay mga matatagal nang mga kapatid at maytungkulin na kaya di napigilan ang sariling magtanong, o mag-ulat at maghayag ng sama ng loob, ay dahil sa pagmamahal at pagmamalasakit sa Iglesia? Hindi ba hamak na mas marangal at maka-Diyos sila kaysa sa marami dahil marunong silang manindigan sa tama, sukdulang sila ay usigin, gipitin, gawan ng masama, at magsakripisyo ng malaki, di tulad ng marami na natitiis na masalaula ang Iglesia dahil sa takot o pakinabang.
Totoo na doktrina ang pagpapasakop sa Pamamahala at tama ang mga talatang ginamit niyo upang ito ay patunayan, subalit totoo rin, na nakasulat sa Biblia kung sa anong uri ng mga lider dapat pasakop ang bayan ng Diyos, at iyon, ay sa mga matuwid na tagapanguna, hindi sa masasamang tagapanguna:
“When the godly are in authority, the people rejoice. But when the wicked are in power, they groan.” (NLT: Proverbs 29: 2)
(Kapag matuwid o maka-Diyos ang nasa kapangyarihan o nangunguna, nagbubunyi ang bayan. Subalit kung ang nasa kapangyarihan ay masama, ang bayan ay dumaraing)
TANONG: Kukunsintihin ba ng Diyos ang masasamang gawa o pasya ng mga nangangasiwa gaya ng karaniwang ginagawa ngayon na “express expulsion and without due (biblical) process” na, sa halip na alisin ang totoong gumagawa ng masama, ang inaalis ay ang nag-uulat sa masasama o nagrereport o kumikwestiyon sa mga bagay na masasama? HINDI BA ANG GAWAING IYAN AY ISANG URI NG PAGPATAY NA GAYA NG GAWAIN NI SATANAS NA PILIT PINAPATAY ANG KALULUWA NG TAO? Sa tingin ninyo kinakampihan o pinagtitibay ng Diyos sa langit ang ganiyang napakasamang gawain dahil lamang sa may pangako Siya na, “Ang inyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit”?
Sa harap ng katotohanang ito, sino ang katulad ni satanas at tinakasan na ng Espiritu Santo? Para maiwasan nating magbintang, bayaan na nating ang makababasa ang mag-isip ng tamang sagot.
Ipagpaumanhin ninyo kung sa pakiramdam ninyo ay mabigat ang mga nasabi ko at nasaktan ko ang inyong ego. Nagbabakasakali lang ako na mananaig pa rin sa inyo ang pagmamahal sa Iglesia (kung may nalalabi pa) kaysa sa ego. Alam ng marami na ako at ang aking mga kasama ay matagal na at nagsisikap na manahimik lalo na sa paggamit ng social media sapagkat ayaw na sana naming makadagdag pa sa pagsira sa Iglesia na kayo mismo sa tulong ng ilang mga naligaw na “defenders” ang gumagawa.
Gayunpaman, pananagutan namin sa Diyos na ilantad ang mga gawa ng kadiliman at ang kasinungalingan. Sana ay makatulong ang mga sagot na ito para mabuksan ang inyong isipan at manaig pa rin ang mabuting budhi. Alam naman nating lahat na hindi lingid sa Diyos ang lahat ng nangyayari maging ang nasa ating puso, isipan, at layunin.