SAGOT SA MGA KASINUNGALINGAN AT MALING PARATANG NI BOBBY FERNANDEZ By: Isaias T. Samson, Jr.
NOTE: Nagpapasalamat ako sa mga nagpadala sa akin ng ipinost ni Bobby Fernandez.
Minarapat ko na sa pagkakataong ito ay sagutin ang ipinost ni Bobby Fernandez sa kaniyang FB account upang huwag madaya ng kaniyang mga kasinungalingan at maling paratang ang mga nakababasa ng kaniyang ipinost. Nais ko lang ipagpauna, na ang sinasagot ko ay hindi ang kaniyang mga sinasabi tungkol sa “Remnant Few” o “Replacement Group”, kundi iyon lamang mga maling paratang niya sa akin at sa mga kasama ko sa EGM.
Ang mga sagot na ito ay hindi lamang para kay Bobby, kundi, para din sa mga taong nasa likod niya o sa mga nag-utos sa kaniya, sapagkat ang isang ministro ay hindi mangangahas magpost ng anuman nang hindi alam o hindi iniutos ng mga nakatataas sa kaniya.
MGA PARATANG NI BOBBY AT ANG AMING MGA SAGOT:
- “Wala sa puso at isip ang pagpapasakop (sa Pamamahala), kundi ang nais ay sila ang tagapanguna sapagkat nakatuon lang sa sariling pakinabang. Nagagawa nila ito dahil wala na sa kanila ang Espiritu Santo.”
SAGOT:
Hindi ba pagpapasakop at pagmamalasakit sa Pamamahala na lumuluhang idinulog ko at ipinagbigay-alam sa kaniya ang mga nangyayaring korupsiyon at anomalya sa Iglesia para kaniyang maaksiyunan sapagkat nasisira ay ang Iglesia at siya na rin ang sinisisi ng mga nakakaalam? Ang ilan sa mga inilapit ko sa kaniya ay ang mga nangyayaring katiwalian sa pagtatayo ng Philippine Arena; ang tungkol sa fugitive na Koreano na main contractor; mga pandaraya sa pag-uulat ng bilang ng dinuduktrinahan at mga ginagawang Lingap sa Mamamayan pati na ang kurapsiyon sa ginugugol sa mga ito; gayundin, ang ginagawa sa mga abuloy sa abroad na hindi na pinararaan sa tamang proseso at labag sa batas at basta na lamang kinukuha sa mga lokal. Ganiyan ba ang nagnanais na maging “tagapanguna”?
Ang pagpapasakop bang nalalaman ninyo ay ang manahimik at magbulag-bulagan na lamang sa harap ng nagdudumilat na korupsiyon at anomalya na sumisira sa Iglesia tulad ng ginagawa ng marami sa inyo lalo na ng mga high ranking at matatandang ministro? Aminin ninyo na kabilang kayo sa mga nakasaksi at naguusap-usap tungkol sa mga katiwaliang nagaganap sa Iglesia. Pagkatapos ay may tapang pa kayo na sa akin o sa amin ibagsak ang sisi. Alam ninyo at higit sa lahat ay alam ng Diyos, na kaya ako nalagay sa ganitong kalagayan, ay dahil sa pagpapasakop at pagmamalasakit sa Pamamahala ng Iglesia.
Pangsariling pakinabang ba na iwanan ang lahat ng tinatangkilik, lalo na ang mga mahal sa buhay, tiising magtago kung saan-saan dahil may humahanting at gumigipit sa amin, at manganib ang buhay, idemanda (kaya napilitan din akong magsampa ng demanda), at marami pang iba? Kung iniisip ninyo na nagsasamantala ako sa mga kapatid ay hinahamon kita (kayo) na magpakita kahit ng isang matibay na ebidensiya.
Hindi ba’t ang pangsariling pakinabang ay iyong ayaw ninyong manindigan sa tama at ipagsanggalang ang Iglesia mula sa mga sumisira dito na namamayagpag loob ng Iglesia, manapa ay napakakasangkapan kayo sa paninira at pag-usig sa mga tunay na nagmamalasakit sa Iglesia, para sa kapakinabangang panlaman?
Wala na raw sa amin ang Espiritu Santo. Nalimutan na ba ninyo ang sinasabi ng Biblia na ang iniiwan ng Espiritu Santo ay ang pumipighati rito, tulad ng mga “nagnanakaw,” ang mga punong-puno ng “kapaitan, kagalitan at panglilibak” na gaya ng ginagawa ninyo at ng inyong mga tagasunod (Efe. 4:28-31). Iniiwan din ng Espiritu Santo ang katulad ng lider na si Saul, sapagkat sa halip na buong higpit at giting na sundin ang utos ng Diyos ay kaniyang nilabag dahil sa pakinabang (I Sam. 15:9).
- “Ang sabi ng grupo ni Isaias Samson Jr. ‘restoration’ lang daw ang gagawin nila—ire-restore ang Iglesia.”
SAGOT: Dito ay nahahayag ang kasinungalingan ni Bobby at ang katunayan na tumatalakay siya ng isyu na hindi naman niya nauunawaan (II Ped. 2:12). Magpakita ka nga ng katunayan na sinabi namin na kami ang gagawa ng restoration ng Iglesia. Alam na alam ng mga tunay na nakaririnig sa amin na ang pinagdiriinan namin ay ang Diyos ang magre-restore sa Iglesia sa kalagayang banal at walang dungis upang mahanda sa muling pagparito ng ating Panginoong Jesucristo (Efe. 5:27). Iyon ang aming binibigyang-diin sa panahon ng aming mga EGM upang ang mga kapatid ay huwag mahulog sa paggawa ng mga maling hakbang, at sa pagsasalita ng masama na gaya ng ginagawa ng marami lalo na sa social media na nakasisira lang sa imahe ng Iglesia.
Bobby (at mga kasama mo), sana ay pakalimiin mo ang nakasulat na ito sa II Pedro 2:12:
“Datapuwa’t ang mga ito, na gaya ng mga kinapal na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at lipulin, na nagsisialipusta sa mga bagay na hindi nila nalalaman ay walang pagsalang lilipulin sa kanila ring pagkalipol.”
- “Kung tapat at totoo ang layunin nila sa kanilang sama-samang paglulunsad noon ng rebelyon …”
SAGOT: Hindi kami naglunsad ng rebelyon. Kung nagrerebelde man ang damdamin ng marami at patuloy pang dumarami, ay dahil sa nakikita nila ang mga kasamaang ginagawa sa Iglesia ng marami sa inyo, tulad ng pag-aabuso at maling paggamit ng abuloy, kunan ng litrato o i-video sa panahon ng pagsamba ang mga pinaghihinalaan ninyo. Naririnig nila ang mga pang-aatake at panalangin ninyo na lipulin na ng Diyos ang mga itinuturing ninyong kaaway, at nadarama ang paglalagay ninyo sa kanila ng “mabibigat na atang” dahil sa mga karagdagang iba’t ibang uri ng donasyon at abuluyan na malimit ay nagagamit lamang sa mga pa-raffle ng mga sasakyan at pamamasyal ng mga ministro sa ibang bansa. Kung kayo ay nagiging mga bingi at bulag na sa mga daing at hinanaing ng mga kapatid, ang marami naman sa kanila ay dilat na dilat ang mga mata sa ginagawa ninyong panggigipit at pananakot sa mga pinaghihinalaan ninyong kaaway ng Iglesia, lalo na ang inyong ginagawa sa pamilya ni Ka Erdy at sa mga nagmamalasakit sa kanila. Nakikita nila na wala kayong kasiyahan sa inyong ginagawa. Itiniwalag na nga at ang iba ay ipinabilanggo pa ninyo, subalit patuloy pa rin ninyong inuusig at ginigipit. Gawain pa ba iyan ng isang Cristiano o kahit ng isang taong nasa katinuan ang pag-iisip? Higit sa lahat, gawain ba iyan ng mga tunay na ministrong nanumpa sa Diyos na kanilang pangangalagaan at ipagsasanggalang ang kawan o ang Iglesia?
Marami pa akong mababanggit pero alam kong alam niyo na rin ang mga nangyayari sa Iglesia. Ang totoo, kaya nga idinulog ko sa Pamamahala ang mga kurapsiyon at anomalya na nabanggit ko na sa itaas ay dahil noon pa man ay marami na ang nagdaramdam na nauuwi sa paghihimagsik ng damdamin dahil walang aksiyon para ang mga ito ay sugpuin. Sa halip, ang pilit ninyong sinusugpo at pinarurusahan ay ang mga kapatid na nagmamalasakit sa Iglesia—mga matatanda nang kapatid at mga maytungkulin na napakalaki na ng puhunan sa pagmamalasakit sa Iglesia.
Kung inaakala ninyo na karamihan sa mga “defenders” ay naligaw na, ay nagkakamali kayo sapagkat iilan lang mga mga yaon kaya lamang parang marami ay dahil maiingay sila sa social media.
NGAYON, MASISISI BA NINYO KUNG MARAMING NAGREREBELDE ANG DAMDAMIN? HINDI MATATAPOS ANG GULO SA IGLESIA HANGGA’T IPINAPASA NINYO ANG SISI SA IBA. SANA AY MAISIP NINYO NA KUNG MAYROONG DAPAT SISIHIN AY ANG INYONG SARILI.
Kapansin-pansin din na ang binibigyan niyo lamang ng pansin ay ang “pagkakaiba” ng paninindigan namin sa ibang grupo ng mga “defenders,” subalit pinakakaiwas-iwasan ninyong banggitin ang aming ikinaiiba. Bakit? Natatakot ba kayo na malaman ng lahat na ang mga aral na aming tinitindigan at ipinagtatanggol ay ang mga tunay na aral na itinuro ng Sugo sa mga huling araw, ang kapatid na Felix Y. Manalo, at buong giting na itinaguyod ng Kapatid na Eraño G. Manalo? Nangangamba ba kayo na mahayag at mapatunayan na hindi kami kalaban ng Iglesia at ng kaniyang mga aral gaya ng inyong ipinangangalandakan sa buong Iglesia sa layuning lasunin ang kanilang mga isipan, udyukang magalit sa amin ang mga kapatid at i-justify ang di makatarungang pagtitiwalag ninyo sa amin? Ang dapat kasing itiwalag ayon sa Biblia ay “ang mga masasamang tao” (I Cor. 5:13), at hindi ang ayaw “makibahagi sa mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman,” o ang mga “sinasawata o inilalantad” ang mga masasamang gawa (Efe. 5:11).
Kung naghahanap kayo ng mga “guilty” at lumabag sa mga aral na ito, ay hindi niyo na kailangang magpakalayo-layo pa. Humarap na lang kayo sa salamin at tumingin sa inyong paligid at marami kayong makikita.
“At ngayon pa’y nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punong kahoy: ang bawa’t punong kahoy nga na hindi nagbubungang mabuti ay pinuputol at inihahagis sa apoy.” (ADB: Mateo 3:10)
“Kayo nga’y mangagbunga ng karapatdapat sa pagsisisi” (ADB: Mateo 3:8)
“Datapuwa’t ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios” (ADB: Romans 2:5)