WALANG KINALAMAN ANG EGM GROUP SA NAGPAPAKILALANG CHURCH OF CHRIST (SMALL REMNANT) AT NANANAWAGANG LUMABAS NA SA IGLESIA NI CRISTO ANG MGA KAANIB NITO
May mga talata sa Biblia na ginagamit ngayon ng bagong usbong na grupong nagpapakilalang Church of Christ (Small Remnant) upang manawagan at hikayatin ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na lumabas na sa Iglesia, dahil diumano’y natalikod na ito tulad ng naganap sa unang Iglesia, naging OWE (one with EVM) church na at ngayon ay isa na raw kulto.
Ang isa sa mga tatalang ginagamit nila ay ang nakasulat sa Apocalipsis 18:4 na nagsasabing “Mangangsilabas kayo sa kaniya, bayan ko,upang huwag kayong maramay sa kaniyang mga kasalanan, at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot”.
Ang grupong ito ay dating masigasig na isinusulong ang “RESTORE THE CHURCH” movement kasama ng iba pang tumindig sa panig ng katotohanan upang ipagtanggol ang Iglesia, laban sa mga nagsasamantala at sumisira sa kabanalan at kalinisan nito. Ang “rallying cry” na ito ng mga Defenders of the Church ay makikita maging sa mga banners, streamers, placards, t-shirts na ginamit sa panahon ng mga isinagawang “vigils.” Makikita rin ito sa mga artikulong isinulat at ipinost sa social media, at tahasang ipinapahayag ng mga ministrong nangangasiwa ng EGM, na noong simula ay magkakasama pang nagtataguyod ng gawaing ito.
Sino ang mag-aakala na darating ang panahon na ang malakas na sigaw na “RESTORE THE CHURCH” ay papalitan ng iba ng sigaw na “GET OUT OF THE CHURCH?” Sino ang nagkaroon ng ganitong panawagan? Ang kabuuan ba ng mga Defenders? Hindi, kundi ang mga humiwalay sa EGM at nagtatag ng bukod nilang grupo, nagsagawa ng bukod na mga GPM (group prayer meeting), na di naglaon ay nagtatag ng mga LWS (live worship service), tinawag ang kanilang sarili na “FEW REMNANT O REMNANT FEW” at ngayon ay nagpapakilalang Church of Christ (SMALL REMNANT), at upang makapangumbinsi sa mga nakikinig sa kanila ay gumagamit ng mga talata ng Biblia para isulong ang kanilang itinataguyod na mga bagong aral at paniniwala.
Kaya pala napalitan ng panawagang “GET OUT OF THE CHURCH” ang dating isinisigaw nilang “RESTORE THE CHURCH” ay dahil sa ang alam nilang “restoration” na gagawin ng Diyos ay ilalabas sa Iglesia (na tinatawag nila ngayong OWE church) ang “Small Remant,” sila daw iyon, at doon isasama ng Diyos ang iba pang makikinig at susunod sa kanilang panawagan na lumabas.
Ang mga sumusunod ang dahilan kung kaya tahasang ipinapahayag ng EGM group na wala kaming kinalaman at hindi kami kaisa ng mga nagpapakilalang Church of Christ (Small Remnant) sa kanilang mga ginagawa at itinuturo ngayon :
- Taliwas sa aral na tinanggap ng Iglesia ni Cristo mula kay kapatid na Felix Y. Manalo, ang Sugo ng Diyos sa mga huling araw ang bagong pagpapaliwanag ng grupong ito at ng mga napapaniwala nila sa nakasulat sa Apocalipisis 18:4. Totoong sinabi ng Diyos sa pamamagitan ng anghel na narinig ni Apostol Juan sa isang pangitain nang siya ay nasa pulo ng Patmos na, “Mangagsilabas kayo sa kaniya, bayan ko, upang huwag kayong mangaramay sa kaniyang mga kasalanan at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot.” Ang mali o taliwas sa aral na tinanggap sa Sugo ay ang pagtuturo na ito ay hindi hula kundi utos (lang) ng Diyos at ang inuutusan na lumabas ay ang mga kaanib ngayon sa Iglesia ni Cristo dahil natalikod na raw at naging OWE church na.
Bakit mamamali ng pagpapaliwanag gayong tinukoy naman sa hula kung saan pinalalabas ng Diyos ang Kaniyang bayan, ito ay sa Dakilang Babilonia na naging tahanan ng mga demonio at kulungan ng bawa’t espiritung karumaldumal (Apocalipisis 18:2).
Ito rin ang binabanggit sa hula na bantog na babaeng mapakiapid na nakaupo sa maraming tubig (Apocalipsis17:1,15) at “INA NG MGA BABAENG MAPAKIAPID AT NG MGA KASUKLAMSUKLAM SA LUPA (Apocalipsis 17:5). Ayon sa pagtuturo ng Sugo, ang tinutukoy sa hula na Dakilang Babilonia, ay hindi ang Matandang Babilonia na pinagharian ni Nabucodonosor, kundi ang babae o Iglesia na laganap sa buong lupa (kaya tinawag na Katolika) na ang setro ng kapangyarihan ay nasa ciudad ng Roma (kaya tinawag na Romana). Ito ang Iglesia Katolika Apostolika Romana na dito pinalalabas ng Diyos ang bayan Niya.
Sa mga mapangahas na nagtuturo ngayon na ang Apocalipsis 18:4 ay hindi hula kundi utos (lang), tila nalimot nila o baka sadyang ipinalimot na sa kanila ng Diyos na may kakambal o kaugnay na mga hula ito sa ibang aklat ng mga hula. Ipapaalala naming sa kanila ang isa sa mga hula na siyang saligan ng kahalan ng Sugo at ng Iglesia ni Cristo sa mga huling araw, ang na nakasulat sa Isaias 43:5-6 na nagsasaad na: “ Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo: aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silanganan, at pipisanin kita mula sa kalunuran; Aking sasabihin sa hilagaan, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa wakas ng lupa;” Marahil naman ay hindi nila kukuwestiyunin na hula ito na tumutukoy sa gawain ng Sugo sa mga huling araw?
Ayon sa tinanggap nating aral sa Sugo at sa naunang namahala sa Iglesia, ang hinuhulaang mga anak ng Diyos na magmumula sa Malayong Silangan (o Pilipinas), sa mga wakas ng lupa o sa mga huling araw (1914) ay manggagaling sa hilagaan at timugan. Ang hilagaan ay kumakatawan sa Protestantismo at ang timugan naman ay kumakatawan sa Katolisismo. Upang lalo pa nating makita ang pagkakaugnay ng Apocalipsis 18:4 sa hulang ito ay ituloy natin ang pagbasa sa talatang 8 na iniutos ng Diyos sa Kaniyang Sugo na, “Iyong ilabas ang bulag na bayan na may mga mata, at ang bingi may mga tainga.”
Sino ba ang tinutukoy na mga bulag at bingi na iniutos ng Diyos sa Sugo na ilabas at bakit sila itinuturing ng Diyos na bulag at bingi? Sa Isaias 42:18 at 17 ay mababasa na, “Makinig kayong mga bingi, at tumingin kayong mga bulag, upang kayo’y mangakakita; Sila ang mga nagsisitiwala sa mga larawang inanyuan, nanagsasabi sa mga larawang binubo, Kayo’y aming mga dios.” Lagumin natin ang pagtalakay na ito upang maging malinaw sa mga may bukas na isip na makababasa ng akdang ito na ang Apocalipsis 18:4 ay hula na natupad sa Iglesia ni Cristo sa mga huling araw na ito sa pagkasangkapan ng Diyos kay kapatid na Felix Y. Manalo. Ang sabi sa talata, “Mangagsilabas kayo (may maglalabas, hindi kusang lalabas, hindi silang-sila lang ang gagawa ng kanilang paglabas.
Ang maglalabas ay ang Sugong magmumula sa Malayong Silangan sa panahon ng mga wakas ng lupa) sa kaniya (sa Dakilang Babilonia, timugan, mga taong bulag at bingi dahil tumitiwala o sumasamba sa mga larawang inanyuan o diyus-diyosan, sa maiklang salita ay sa IKAR), bayan Ko (ang mga anak ng Diyos na lalaki’t babae na nailabas o nadagit ng Sugo mula sa mga maling relihiyon) upang huwag kayong maramay sa kaniyang mga kasalanan (naging tahanan na ito ng demonio at naging kulungan ng mga karumaldumal na espiritu); at huwag kayong magsitanggap ng kaniyang mga salot (nakatakda na sa walang hanggang parusa ang mga taong sumasamba sa larawan at tumanggap ng tanda sa noo at kanang kamay, ang tanda ng krus (Apocalipsis 14:9-11).
Kung pagkatapos na mabasa ang akdang ito at ipipilit pa rin ng ibang mga mangangaral na ang isinasaad sa Apocalipsis 18:4 ay utos ng Diyos sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo upang lumabas sa Iglesia, mayroon muna silang dapat patunayan: una, kung sino mula sa hanay nila ang isinugo ng Diyos para maglabas sa bayan Niya mula sa sinasabi nilang natalikod nang Iglesia; ikalawa, patunayan nila mula sa mga talata ng Biblia na ang Iglesia ni Cristo sa mga huling araw ang tinutukoy na Dakilang Babilonia; ikatlo, patunayan nila na ang Iglesia ni Cristo sa mga huling araw ay naging tahanan na ng demonio, naging kulungan na ng mga karumaldumal na espiritu, sa mga larawang inanyuan na tumitiwala o sumasamba, tumanggap na ng tanda sa noo at kanang kamay na tanda ng parurusahan.
- Ang “restoration” na sa simula pa at magpahanggang ngayon ay ibinabandila na ng EGM group ay sa loob ng Iglesia ni Cristo magaganap at hindi sa labas. Iisa lang ang kawan ng Panginoong Jesucristo (Lucas 12:32; Gawa 20:28 Lamsa; I Pedro 5:1-3), katumbas ng iisa lang ang katawan o Iglesia na may isang pananampalataya at pinapatnubayan ng isang Espiritu (Colosas 1:18; Efeso 4:4-6). Mahirap na bagay ba sa Diyos na i-restore o ibalik ang Iglesia sa dati nitong kalagayan? Halos isang daang taong hayag na hayag ang pagtulong, pag-iingat, at pagkasi ng Diyos sa buong Iglesia kaya nga ito naging banal, maayos, payapa at maluwalhati sa panahon ng mga naunang Namahala. Ngayon pa ba natin pag-aalinlanganan ang kapangyarihan at magagawa ng Diyos para sa Iglesiang minamahal Niya? Hindi ba pinapangyayari lang naman ng Diyos sa ating panahon ang itinakda Niya sa hula na dadalhin Niya ang ikatlong bahagi sa apoy (na tumutukoy sa mga mabibigat na pagsubok. May bibigat pa ba sa mga pagsubok na pinagdadaanan ng Iglesia ni Cristo sa kasalukuyan?) upang dalisayin at subukin na parang pagsubok sa ginto.Huwag nating kalimutan na may kakambal na pangako ang pahayag na ito ng Diyos nang sabihin Niyang, “Sila’y magsisitawag sa aking pangalan, at akin silang didinggin” (Zacarias 13:9). Siya rin ang may sabi na, “Dahil sa Sion (Iglesia) hindi ako tatahimik,… hindi ako magpapahinga hanggang sa ang kaniyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kaniyang kaligtasan ay parang ilawan na nagniningas (Isaias 62:1).” Pinasasabi rin ng Diyos sa anak na babae ng Sion (o sa Iglesia ni Cristo sa mga wakas ng lupa o sa mga huling araw) na, “Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating, narito, ang kaniyang ganti ay nasa kaniya…At tatawagin nila sila, ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon, at ikaw ay tatawaging Hinanap, Bayang hindi pinabayaan (Isaias 62:11-12).”
Hindi kailanman tatanggapin ng EGM group na matatalikod o natalikod na ang Iglesia ni Cristo sa mga huling araw. Kung tumalikod man ang kasalukuyang mga namiminuno, at ang maraming mga ministro, mga maytungkulin at mga kapatid na nadaya nila, hindi ang kabuuan ng Iglesia ang natalikod. HINDI NAGING OWE CHURCH NI NAGING KULTO ANG IGLESIA NI CRISTO. Tahasang paglaban sa Diyos at sa mga katotohanang nakasulat sa Biblia ang paniniwalang natalikod na Iglesia ni Cristo na gaya ng naganap sa unang Iglesia. Nasa hula na ang unang Iglesia ni Cristo ay matatalikod (Zacarias 13:7-8) kaya hindi natin kinamulatan o kinagisnan ito. Kung totoo man na may mga indibiduwal na kaanib o mga ministro pa ang tumalikod ngayon, pero hindi ang kabuuan ng Iglesia ang natalikod.
Kulang ba ang mga pahayag at mga pangako ng Diyos na nakasulat sa Isaias 62:1, 11-12, Zacarias 13:9, na binanggit sa unahan at sa nakasulat sa Apocalipsis 14:12-15 at iba pang mga hula upang patunayan Niyang hindi na matatalikod ang Iglesia ni Cristo sa mga huling araw kundi daratnan na ito ng araw ng paghuhukom? Ang mga nagsasabing natalikod na ang Iglesia, naging OWE church na at naging kulto na ang mga tunay na tumalikod, kaalinsabay ng mga nagsasamantala sa Iglesia at patuloy pang sumisira sa kabanalan at kalinisan nito.
Siyanga pala, para sa mga nakalimot o hindi nakaaalam kung ano ang aklat ng Apocalipsis (o Pahayag o Revelation), ganito ang sinasabi sa mismong aklat, “Ang Apocalipsis ni Jesucristo, na ibinigay ng Dios sa kaniya upang ipahayag sa kaniyang mga alipin, sa makatuwid ay ang mga bagay na nararapat mangyaring madali: at kaniyang ipinadala at ipinaalam sa pamamagitan ng kaniyang anghel sa kaniyang alipin na si Juan; 3 Mapalad ang bumabasa, at ang nangakikinig ng mga salita ng hula, at tumutupad ng mga bagay na nangasusulat doon. 19 Isulat mo nga ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari sa darating” (Apocalipisis 1:1,3 at 19). Ano ang babala ng Diyos sa magdaragdag o mag-aalis sa mga salita ng aklat ng hulang ito? Ang magdaragdag ay daragdgan ng salot, at ang mag-aalis (o magbabawas) naman ay aalisin ang bahagi sa punong kahoy ng buhay at sa bayang banal na nangakasulat sa aklat na ito, katumbas ng hindi maliligtas.
Kaya hindi maliit na kasalanan na pilipitin ang pagpapaliwanag sa mga salita na nakasulat sa aklat ng hulang ito at sa iba pang mga aklat ng hula. Sugo lang, at ang matuwid na pamamahala at ang mga ministrong may patnubay pa ng Espiritu Santo ang makapagpapaliwanag ng tama ng mga hula at ng mga salita ng Diyos na nakasulat sa mga Banal na Kasulatan. Kaya maling pangahasan ninuman na magbigay ng sariling paliwanag o interpretasyon, lalo na kung mangangaral ng iba sa tinanggap sa Sugo at sa naunang Namahala. Ipinatatakuwil ng Diyos ang mangangaral na ang itinuturo ay iba sa itinuro at tinanggap mula sa Sugo (Galacia 1:7-8).
May iba pang mga talata ng Biblia na ipinangunumbinsi ang mangangaral sa Church of Christ (Small Remant) para lumabas na ang mga kapatid sa Iglesia (na tinatawag nilang OWE church) at sumama sa kanila. Ang mga talatang ito ang papaksain naming sa susunod na pagtalakay. Abangan ninyo.
Maawa nawa ang Ama na makatulong ang akdang ito upang mabuksan ang pang-unawa ng mga kapatid na nailigaw ng mga tagapangaral na kanilang pinakikinggan at sinusunod. Pakamahalin nating lahat ang Iglesia at ang pagsunod sa mga dalisay na aral ng Diyos na tinanggap natin sa Sugo at sa Naunang Namahala. SA MGA MAGPAPATULOY PA SA PAGSASAMANTALA AT PAGLILIGAW SA MGA KAPATID SA IGLESIA, HINTAYIN NINYO ANG PAGKILOS NG KAMAY NG DIYOS UPANG ILAPAT ANG KANIYANG KATARUNGAN!
~EGM MINISTERS