36 TANDANG SORA AVE.

Para sa marami, ang 36 Tandang Sora Ave., Quezon City ay isang karaniwang address lang. Gayunpaman, para sa INC leadership, ito ang pinagmumulan ng sunod-sunod nilang sakit ng ulo. Ito ang dahilan kaya sa loob ng mahaba-haba na ring panahon ay walang tigil at lalo pa nilang ginigipit ang dalawang anak ng Ka Erdy na sina ka Angel at ka Lottie, ang kanilang mga pamilya at iba pang mga kasama nila. Kabilang dito ang ginawa nilang pagputol sa linya ng kuryente at tubig, paglalagay ng napakatataas na bakod sa paligid ng bawat bahay, pagransack at pagwasak sa tahanan ng Ka Erdy, pagsasampa ng mga kaso laban sa kanila (bagamat hindi naman nila sinusunod ang mga pasya ng hukuman kapag hindi pabor sa kanila), puwersahang pagpasok sa naturang dako at pananakit sa mga nakatira, pagbabawal na magpasok ng mga pagkain at iba pang pangangailangan nila, pagbomba ng sewer pabalik sa bahay, at marami pang iba. Ang isang halimbawa ng hindi sinunod ng mga mapang-api ay ang utos ng Hukuman na ibalik ang kuryente at tubig, at alisin ang nakaharang na guard house at portable toilet sa gate.

36

Ang pinaka-latest sa kanilang panggigipit ay ang ginawa nilang pagwasak sa bakod gamit ang backhoe, pagpasok sa loob ng mga naka-mask nilang mga goons, pagkuha sa mga sasakyan sa loob maging ang hindi nakapangalan sa Iglesia. Upang maisagawa nila ang kanilang hindi makataong layunin ay ginamit nila ang mga guwardiya ng Central at iba pa. Nang dumating si Atty. Trixie na may kasamang isang babae at dalawang “unarmed persons” at hinanap sa kanila ang “court order” at kung mayroon ay kung bakit gabi nila ito isini-served, ay pinasimulan silang saktan ng mga guwardiya na kahit bumagsak na sila sa kalsada ay patuloy pa rin silang pinagtulungan ng mga naka-mask samantalang walang ginawa ang mga pulis kundi ang tumunganga. Hindi man lang tinanong ng mga police ang mga goons kung bakit sa harap nila ay naka-mask ang mga ito. Dinala sa East Avenue Medical Center si Atty Trixie at ang kaniyang mga kasama. Samantala, ang gate sa 36 Tandang Sora Ave., ay iniutos nang i-welding ng mga walang puso at isip na mga mapang-api.

Ang mga pangyayaring nabanggit sa itaas ang dahilan kaya para sa mga defenders, ang 36 Tandang Sora Ave., ay naging simbulo at nagpapaalala ng karahasan at mga panggigipit na nararanasan ngayon hindi lang ng mga nakatira doon kundi ng lahat ng mga inuusig at itinitiwalag ng kasalukuyang mga nangangasiwa sa Iglesia. Ito ay naging sagisag na rin ng pag-aaksaya nila sa mga abuloy at handog ng mga kapatid. Na sa halip na magamit sa pagtatayo ng magagandang gusaling sambahan ay ginagamit sa mga pagsasampa ng mga demanda at pagbabayad ng malaki sa mga kilalang law firm at pagwasak sa maaayos na gusali tulad ng naging tahanan ng Ka Erdy na dapat sana ay ipriniserved at magsilbing tagapagpaalaala ng kaniyang mga pagsasakit sa Iglesia sa loob ng 46 na taon.

Bagamat walang “valid justification” na maibibigay sa anumang gawain ng mga mapang-api, ang pangunahing dahilan ng patuloy nilang panggigipit sa mga anak ng Ka Erdy ay dahil sa iniisip nila na mula nang manawagan ang ka Angel ng tulong dahil sa pangamba sa kanilang kaligtasan ay sila ang nag-uutos sa mga defenders ng mga dapat gawin lalo na ang paghahayag sa mga katiwaliang kanilang ginagawa. Unang-una, sa mga pinaggagagawa ng mga OWE (One With EVM) ay pinatutunayan lamang nila na kayang-kaya nga nilang gumawa ng mga karahasan at mga bagay na labag sa batas kaya may katuwiran ang pamilya ng Ka Erdy na manawagan noon na sila ay tulungan sapagkat sila ay nanganganib. Ikalawa, walang sinuman sa mga defenders na makapagsasabing inutusan sila ng magkakapatid na gawin ang ganito at gawin ang ganoon. Ito ay alam maging ng mga OWE sapagkat sa kabila ng napakahigpit nilang pagsubaybay sa mga nasa Tandang Sora (kabilang na sa kanilang means of communication), ay wala silang mailabas na concrete proof na ang magkapatid ay nag-uutos na gumawa ng mga bagay na makasisira sa Iglesia o sa kanilang panganay na kapatid. Wala rin silang maipakitang patotoo na ipinahayag mismo ni ka Angel o ni ka Mark na sila ang inihalal ng Ka Erdy upang mamahala sa Iglesia. Ang gawain daw ng mga defenders ay naka-focus lang sa Tandang Sora at dahil lang sa magkapatid.

Hindi ba naisip ng mga mapang-api na hindi lang ang mga defenders ang nakatutok sa nangyayari sa 36 Tandang Sora kundi maging ang maraming mga kapatid at mga taga-sanlibutan? Ito ang isa sa tunay na dahilan kaya patuloy ang pagdami ng mga silent defenders. Na kaya nagkakagulo ay sapagkat sila mismo ay lagi ring nakatutok sa mga nasa Tandang Sora, at walang tigil sa papa-plano kung papaano nila sila pipinsalain? Napakadali namang unawain at patawarin ninyo ako kung sabihin kong mga bobo na lang ang hindi makakaunawa at mga bulag o nagbubulag-bulagan ang hindi makakita sa nangyaring panggigipit sa mga nakatira doon. Sabihin nang sa paningin ng mga OWE ay masasama ang mga nakatira doon, subalit, tama ba na palibutan nila ng pagkataas-taas na bakod ang bawat bahay na halos hindi na makahinga ang mga nakatira pagkatapos na sila ay putulan ng kuryente at tubig? Tama ba na pahirapan nila ang pagpapasok ng mga basic supplies tulad ng pagkain at tubig, at lubos na ipagbawal ang pagdedeliver ng diesel at kunin pa ang mga generators? Tama ba ang ginawa nilang pananakit sa abogada na may pahintulot ng batas na dumalaw sa kliyente anumang oras niyang naisin?

Kung sasabihin nila na ang mga nasa Tandang Sora ay hindi na mga kaanib sa Iglesia dahil mga tiwalag na kaya hindi dapat tulungan manapa ay itinuturing na nilang kaaway, ay bakit nagagawa nilang gumastos ng milyon-milyong piso para tulungan at bigyan ng pagkain ang daan-daang libo ring hindi mga kaanib sa Iglesia na ang marami ay mga mang-uusig? Ito ba ay pakitang-tao na lang, o dahil sa Guiness Book of World Records, o para pagtakpan ang kanilang masasamang gawa? Hindi ba’t utos ng Diyos na ibigin kahit ang mga kaaway? Higit sa lahat, ugaling Cristiano pa ba o ugaling tao pa ba ang kanilang ginagawa sa pamilya ng Ka Erdy na minahal niya at inarugang mabuti noong siya ay nabubuhay pa? Ang kaguluhan at kahihiyang dulot ng mga nangyayari sa Tandang Sora ay pilit nilang isinisisi sa mga nakatira doon at sa mga defenders na ang tanging layunin ay makatulong sa mga inaapi. Gayunpaman, …

 

panggipit

Ang kitang-kitang mga karahasan at panggigipit na ginagawa nila sa mga nasa 36 Tandang Sora ang dahilan kaya lumaki ang problema at lalong naglagay sa Iglesia sa malaking kahihiyan. Maaari bang hindi makita ang mga nagtataasang bakod, ang guard house, at portable toilet na iniharang nila sa gate at sinasakop na ang bahagi ng kalsada? Sino ang hindi makapapansin sa ginawa nilang ilang ulit na pagra-rally hawak ang mga placards at gamit ang megaphone sa harap mismo ng 36 Tandang Sora upang palayasin ang mga nakatira roon, o ang pagpigil nila sa mga delivery ng basic necessities ng mga nasa loob, pagkuha sa mga generator at diesel at pananakit sa mga babae at batang gustong pumigil sa kanila? Sino ang naglagay uli sa kahihiyan sa Iglesia, at di makapapansin nang buwagin nila ang bakod sa pamamagitan ng backhoe, saktan sila Atty. ng mga naka-masks na goons, basagin ang windshield ng isang sasakyan ng isang defender na nagdulot ng heavy traffic sa naturang kalsada? Marami pa silang ginawa na labag sa batas ng tao at higit sa lahat sa batas ng Diyos na hindi nailingid sa mga mata ng tao.

replacement

Ang mga ganito bang masasamang gawa ang patuloy na ididipensa ng mga nagsasabing sila ay mga Iglesia ni Cristo? Mabuti na lang at hindi na lumalabas sa kanilang bibig ang mga katagang “AKO’Y IGLESIA NI CRISTO,” sapagkat ang bukang-bibig na nila ngayon ay “I AM ONE WITH EVM,” at halos hindi na rin nila ginagamit (lalo na ng mga ministro) ang official seal at gayundin ang flag ng Iglesia, manapa, ang gamit na nila maging sa Pasugo ay ang “thumbprint na OWE.”

Alang-alang sa kapayapaan at upang hindi na lalo pang mabilad sa kahihiyan ang Iglesia, at kung tunay na ito ang hinahangad ng lahat, ay mag-ugaling tao na lang (kahit hindi na ugaling Cristiano) ang lahat. Kung hindi makasusunod sa batas ng Diyos ay kahit sa batas man lang ng gobyerno. Bakit hindi na lang hintayin ng lahat ang final na desisyon ng Hukuman sa mga kaso lalo na ang tungkol sa kung sino ang tunay na may karapatan sa naturang property. Maliban na lang kung totoo na ang 36 Tandang Sora ay kabilang sa mga pag-aari ng Iglesia na nakasangla na at malapit nang mailit ng Bangko.