Ang Uri ng Pamamahala sa Iglesia na Dapat

Ang Uri ng Pamamahala sa Iglesia na Dapat Pagpasakupan, Sundin, Pakipagkaisahan at Kilalanin ng Bawa’t Kaanib Ayon sa Pagtuturo ng Biblia

Sa paniniwala ng mga OWE (One With EVM) na lehitimo ang pagiging tagapamahalang pangkalahatan sa Iglesia ni Cristo ni kapatid Eduardo V. Manalo bilang kahalili ng pumanaw na si kapatid na Eraño G. Manalo ay tahasan nilang ginagamit ang mga talata ng Biblia patungkol sa pamamahala upang ang mga kapatid  ay magpasakop, sumunod, makipagkaisa, at kumilala sa kaniya.  Ginagamit nila ang Hebreo 13:17, I Juan 1:3, at I Corinto 6:4 na nagsasaad na:

Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila’y may pananagutang mangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos ukol diyan. Kung sila’y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila’y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo.” (Hebreo 13:17 Magandang Balita); “Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo” (I Juan 1:3); at “Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya?” (I Corinto 6:4 MB). Sapagkat mga talata ito ng Biblia na nagbibigay-linaw sa pananagutan ng mga kaanib patungkol sa pamamahala ng Iglesia, tama lang na igalang at sundin ng bawat kaanib o ng lahat ng kapatid ang sinasabi sa mga talatang ito, subalit  ang tanong, lehitimo ba ang pamamahala ni kapatid na Eduardo V. Manalo sa Iglesia? Kung lehitimo, taglay ba naman niya ang uri o mga katangian ng tunay na pamamahalang lagay ng Diyos sa Iglesia?

Hindi na tatalakayin sa akdang ito ang ukol sa legalidad ng pagiging kahalili (successor)  ni kapatid na Eduardo V. Manalo sa pagiging tagapamahalang pangkalahatan pagkamatay ni kapatid na Eraño G. Manalo, bagaman kuwestiyonable iyon batay sa hinihingi ng 2007 Amended By-Laws at 2008 Articles of Incorporation, na pagkamatay ng Tagapamahalang Pangkalahatan ay maghahalal ang General Council ng kahalili. Hindi isinagawa ang gayong halalan nang pumanaw si kapatid na Eraño G. Manalo noong 2009 sapagkat naihalal na raw si kapatid na Eduardo V. Manalo bilang kahalili (successor) noon pang 1994. Iyon na di-umano ang halalang tumutugon sa hinihingi ng 2007 Amended By-Laws at 2008 Articles of Incorporation. Wala namang kumukuwestiyon na inihalal siya bilang II-Tagapamahalang Pangkalahatan at Kahalili noong 1994, subalit ang tanong, “ano ang nag-udyok kay kapatid na Eraño G. Manalo upang ilabas ang mga Amendments na iyon halos dalawang taon bago siya papagpahingahin ng Diyos?” Ang dahilan nito ang hindi hayag sa Iglesia subalit tiyak na hayag iyon sa naiwang pamilya ni kapatid na Eraño G. Manalo at sa pamilya mismo ni kapatid na Eduardo V. Manalo. Subalit upang bigyang-daan ang pagtalakay na ito, ipagpalagay natin na lehitimo nga ang pagiging kahalili ni kapatid na Eduardo V. Manalo sa pagiging tagapamahalang pangkalahatan ng Iglesia, taglay ba naman niya ang uri o mga katangian ng tunay na pamamahalang lagay ng Diyos sa Iglesia. Kung taglay niya ay marapat lamang na magpasakop, sumunod, makipagkaisa at kumilala sa kaniya ang bawat kaanib sa Iglesia. Subalit suriin natin…

Ano ang uri o mga katangian ng tunay na pamamahalang inihalal o inilagay ng Diyos para sa kapakinabangan ng Iglesia, na dapat pagpasakupan at sundin ng bawat kaanib?

Kapag itinuloy ang pagbasa sa kasunod na talata ng Hebreo 13:17 MB, sa talatang 18 ay nilinaw ni Apostol Pablo na: “Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon.” Samakatuwid ang tunay na pamamahalang halal o lagay ng Diyos sa Iglesia, na dapat pagpasakupan at sundin ay katulad ni Apostol Pablo na tiyak na malinis ang budhi at nabubuhay nang matuwid sa lahat ng panahon (Hebreo 13:18 MB). Paano malalaman kung ang isang tao, lalo na ang namamahala sa Iglesia ay may malinis na budhi? Sa sulat din ni Apostol Pablo sa kamanggagawa niyang si Tito ay sinabi niya na: “Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis: datapuwa’t sa nangahawa at di nagsisisampalataya ay walang anomang malinis; kundi pati ng kanilang pagiisip at kanilang budhi ay pawang nangahawa. Sila’y nangagpapanggap na nakikilala nila ang Dios; nguni’t ikinakaila sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, palibhasa’y mga malulupit, at mga masuwayin, at mga itinakuwil sa bawa’t gawang mabuti. (Tito 1:15-16). Samakatuwid ang tunay na pamamahalang lagay ng Diyos para sa ikabubuti ng Iglesia ay iyong may malinis na budhi, nabubuhay nang matuwid sa lahat ng panahon, hindi malupit, hindi masuwayin, at hindi itinakwil sa bawa’t gawang mabuti. Ganito ba si kapatid na Eduardo V. Manalo? Suriin natin…

Masasabi bang malinis ang budhi ni kapatid na Eduardo V. Manalo nang pagmalupitan niya at patuloy pang pinagmamalupitan ang kaniyang sariling ina at mga kapatid sa laman mula nang pumanaw si kapatid na Eraño G. Manalo, nadamay pa ang kaniyang mga pamangkin at mga kasambahay nila, ang pamilya ng mga ministro, mga maytungkulin at karaniwang mga kapatid na itiniwalag dahil kinuwestiyon ang mga katiwalian at mga maling pagbabagong nasumpungan sa Iglesia at ang panggigipit niya sa kaniyang mga mahal sa buhay?  Masasabi bang malinis ang budhi niya nang suwayin niya ang mga ibinilin ni kapatid na Eraño G. Manalo patungkol kay Antonio “Jojo” de Guzman at patungkol sa kaniyang asawang si Babylyn Ventura Manalo? Kung hindi pagmamalupit at hindi pagsuway ang mga ginawa niyang iyon, ano ang tawag doon? Paglalapat lamang ba iyon ng katarungan at katuwiran, katulad ng ipinipinta ng kasalukuyang pamamahala sa isipan ng mga kapatid sa Iglesia? Makatarungan at makatuwiran ba ang ginagawa niyang panggipit sa sariling niyang mga mahal sa buhay pagkatapos na itiwalag dahil di-umano ay hindi nagpasakop sa kaniyang pamamahala? Mabuting gawa ba na pagkaitan niya ng maayos na tirahan ang naulilang pamilya ni kapatid na Eraño G. Manalo nang ipagiba niya ang tahanan at iba pang tuluyan na ipinatayo o ginugulan ng dating tagapamahalang pangkalahatan para sa kanila sa pagpanaw niya? Mabuti bang gawa na pagkaitan ang kaniyang ina ng pangunahing mga pangangailangan bilang naulila ng dating tagapamahalang pangkalahatan? Mabuting gawa ba na burahin sa isipan ng mga kapatid lalo na ng mga kabataan ang mga alaala ukol kay kapatid na Eraño G. Manalo?

Masasabi bang malinis ang budhi ni kapatid na Eduardo V. Manalo nang hayaan niyang malustay ang salaping matagal na panahong tinipon at sininop ng mga naunang namahala, tuloy ay humantong ang Iglesia sa kalagayang may bilyun-bilyong pisong pagkakautang at pagkakasanla ng maraming ari-arian? Hindi ba nagresulta ang paglustay na iyon ng madalas na pananawagan ngayon sa mga kapatid na pagtalagahan ang ukol sa handugan, bagay na hindi nangyari sa panahon ng mga naunang namahala? Sa mga ginawang ito ng pamamahala ni kapatid na Eduardo V. Manalo, masasabi bang taglay niya ang uri o ang mga katangian ng tunay pamamahalang dapat pagpasakupan at sundin ng Iglesia? Iiwan namin sa mga makababasa ang pagsagot sa mga katanungang ito.

Ano naman ang katangian ng pamamahala na dapat pakisamahan o pakipagkaisahan ng mga kapatid ayon sa pagtuturo ng mga Apostol batay sa nakasulat sa I Juan 1:3? Ayon kay Apostol Juan: Yaong aming nakita at narinig ay siya rin naming ibinabalita sa inyo, upang kayo naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin: oo, at tayo ay may pakikisama sa Ama, at sa kaniyang Anak na si Jesucristo.” Samakatuwid, ang pamamahalang dapat pakisamahan o pakipagkaisahan ay iyong kung ano ang nakita at narinig sa naunang mga namahala sa kaniya ay iyon ang ibinabalita, katumbas ng iyon ang kaniyang itinuturo at ipinatutupad. Ganito ba si kapatid na Eduardo V. Manalo?  Suriin natin…

Tumalakay tayo ng ukol sa doktrina. Itinuro ba ng kapatid na Felix Y. Manalo at ng kapatid na Eraño G. Manalo na ang “Sugo” o pagsusugo ay “incidental” lamang?  Iyon na kasi ang pagtuturo ngayon ni kapatid na Eduardo V. Manalo na ipinarinig pa sa buong Iglesia sa isang webex. Kung itinuro nila, kailan nila itinuro iyon? Suriin natin, ano ba ang kahulugan ng salitang “incidental”?

in·ci·den·tal (adjective)

  • accompanying but not a major part of something. synonyms: less important,     secondary, subsidiary, minor, peripheral

       source:   https://ca.search.yahoo.com/yhs/search

  • happening or likely to happen in an unplanned or subordinate conjunction with something else.

       source:   http://www.dictionary.com/browse/incidental

Batay sa mga talatinigang ito, ang “incidental” ay nangangahulugang less important o hindi gaanong mahalaga, secondary o segundaryo lamang, accidental o hindi sinasadya, coincidental o nagkataon lamang, o unplanned o hindi ipinanukala o hindi binalak. Hindi ba gaanong mahalaga, segundaryo lamang ba, hindi ba sinadya, nagkataon lamang ba, hindi ba ipinanukala o hindi binalak ang pagsusugo? Hindi ba batbat ng hula sa Biblia ang ukol sa pagsusugo sa mga huling araw na ito (Isaias 41:9-10; 43:5-6; Apocalipisis 7:2-3, at marami pang iba) kaya maling sabihin na ito ay “incidental” o hindi sinadya, nagkataon lamang, at hindi ipinanukala? Nilinaw din sa Biblia na hindi makapangangaral ang hindi isinugo (Roma 10:15),  at kung paanong napakahalaga ng aral ay napakahalaga rin ng kahahalan ng mangangaral na isinugo. Hindi mapaghihiwalay ang kahalalan ng mangangaral at ang dalisay na aral. Kaya maling sabihin na “incidental” lamang o hindi gaanong mahalaga, o segundaryo lamang ang “Sugo” o ang pagsusugo.

Tatanggapin kaya ni kapatid na Eduardo V. Manalo kung sa kaniya sabihin na “incidental” lamang ang kaniyang pagiging tagapamahalang pangkalahatan ng Iglesia ni Cristo kung ang pag-uusapan ay pangangaral ng ebanghelyo? Kung ang batayan niya sa pagsasabing “incidental” lang ang “Sugo” o ang pagsusugo ay ang sinabi ni kapatid na Felix Y. Manalo sa kaniyang pagtuturo noong siya ay nabubuhay pa na “hindi si Manalo ang mahalaga kundi ito (na ang itinuturo niya ay ang Biblia o ang mga salita ng Diyos) ay mali ang pagkaunawa niya.  Hindi ang tinutukoy ni kapatid na Felix Y. Manalo ay ang pagiging sugo niya, kundi ang kaniyang sarili, ang kaniyang pagiging tao o pagkatao. Pero ang pagkasugo niya, tiyak na hindi niya sasabihing hindi mahalaga sapagkat kaloob ng Diyos sa kaniya ang kahalalang iyon. Kung paanong sa Diyos galing ang mga salita na ipinangaral niya, sa Diyos din galing ang kaniyang kahalalan bilang sugo sa pangangaral ng ebanghelyo tulad din ng Panginoong Jesucristo at ng mga Apostol sa panahong Cristiano. Sa mga huling araw nga lang ang panahon ng pagkasugo niya.  Kapuwa mahalaga ang “Sugo” at ang ebanghelyo o ang mga aral na kaniyang itinuro.

Kung tanggap ni kapatid na Eduardo V. Manalo na “incidental” lamang ang pagiging tagapamahalang pangkalahatan niya batay sa ipinahayag ni kapatid na Felix Y. Manalo at sa talagang ibig niyang ipakahulugan, dapat ay sawayin niya ang mga nakapaligid sa kaniya, ang lahat ng mga ministro at mga manggagawa, at lahat ng mga kapatid na buong kagalakan at pagmamalaking nagpapahayag na “si kapatid na Eduardo V. Manalo ang pinakamahalagang tao sa buong mundo.” Kapag hindi niya sila sinaway ay katumbas iyon na tinatanggap niya ang papuri at pagpaparangal na iyon at para na niyang sinabi na si kapatid na Felix Y. Manalo bilang tao ay “incidental” lamang pero siya ay hindi, na si kapatid na Felix Y. Manalo ay hindi mahalaga, pero siya ay mahalaga, at napakahalaga. Ito ba ang doktrina o aral na narinig niya kay kapatid na Felix Y. Manalo at kay kapatid na Eraño G. Manalo na dapat tanggapin at panghawakan ng mga kapatid ngayon? Ang pamamahala bang nagtuturo ng iba sa itinuro ng mga naunang namahala sa Iglesia ang dapat pakisamahan o pakipagkaisahan ng mga kapatid upang magkaroon ng pakikisama o pakikipagkaisa sa Ama at sa anak?

Tumalakay naman tayo ng tuntunin at patakaran na ipinatutupad sa Iglesia ngayon. Itinuro ba ni kapatid na Felix Y. Manalo at ni kapatid na Eraño G. Manalo na dapat itiwalag ang mga nag-ulat, pumuna, at nanguwestiyon sa nagaganap na katiwalian o anomalya sa Iglesia? Kasi sa pamamahala ni kapatid na Eduardo V. Manalo, ito ang kaniyang ipinatutupad. Hindi na mabilang ang mga ipinatiwalag niya na mga nanguwestiyon sa mga nagaganap na katiwalian sa Iglesia, pami-pamilya pa ang pagtitiwalag, pangunahin nga ang pamilya ng yumaong tagapamahalang pangkahalatan.  Hindi ba ang turo ni kapatid na Felix Y. Manalo at ni kapatid na Eraño G. Manalo ang dapat itiwalag ay ang masasamang kasamahan o kaanib sa Iglesia, sapagkat iyon ang aral na nakasulat sa Biblia (I Corinto 5:13). Masama bang ibunyag o isiwalat ang anomang gawa ng kadiliman kung may masumpungan sa Iglesia? Hindi ba doktrina ito na malinaw na nakasulat sa Biblia? Itinuro ni Apostol Pablo na “ At huwag kayong makibahagi sa mga walang mapapakinabang na gawa ng kadiliman, kundi bagkus inyong sawatain (Efeso 5:11) o ibunyag (MB). Sa panahon ng mga unang namahala, sila ang unang nagdaramdam kapag may natitiwalag sa Iglesia dahil nalalagay sa panganib ang kanilang kaluluwa. Ngayon ang mga itiniwalag na inakusahang lumalaban sa pamamahala ay itinuturing nang kaaway at itinatagubilin pa na layuan at kasuklaman, kinakantiyawan, pinanganganlan o binabansagan ng kung anu-ano at ipinapanalangin pa ang kanilang kapahamakan maging sa panahon ng mga pagsamba.  Sa kabila nito ay ipinangangalandakan ng kasalukuang pamamahala na kaisa siya ng mga naunang namahala sa kaniya.

Ano naman ang katangian ng pamamahala sa Iglesia na dapat kilalanin ng bawat kaanib? Balikan natin ang isinasaad sa I Corinto 6:4 at ituloy natin ang pagbasa sa kasunod na mga talata. 4Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? 5Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? 6Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga hindi mananampalataya?Ang tunay na pamamahalang galing sa Diyos na dapat kilalanin ng Iglesia ay iyong marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid (hindi nang-aaway ng mga kapatid). Ganito ba si kapatid na Eduardo V. Manalo? Si Apostol Santiago (Alfeo) na namahala sa panahon ng unang Iglesia ay nagpakita ng kakayahan na umayos ng mabigat na suliranin na bumangon noon.  Nagkaroon ng di kaunting pagtatalo at pagtutuligsaan sa pagitan ng ilang mga kapatid na nanggaling sa Judea at nila Apostol Pablo at Bernabe, dahil may pinuna sila tungkol sa pag-anib ng mga Hentil sa Iglesia. Dahil sa hindi malunasan ang pagtatalo ay ipinasiya nila Apostol Pablo at Bernabe na dalhin ang usapin sa Jerusalem, sa paanan ng mga Apostol. Sa pulong sa Jerusalem ay pinakinggan ang magkabilang panig at pagkatapos ay nagbigay ng hatol si Apostol Santiago na lumutas sa malaking suliranin (Gawa 15:1-19). Ano ang katangian ni Apostol Santiago, kaya kahit na mabigat ang naging suliranin ng Iglesia ay nalunasan niya? Hindi siya nag-iisa sa pagpapasiya, pinatnubayan siya ng Espiritu Santo. Nangagalak dahil sa pagkaaliw ang Iglesia nang matanggap ang hatol o pasiya ng tagapamahalang pangkalahatan (Gawa 15:28-31),  sa ganito ay napanatili ang katiwasayan at kapayapaan ng Iglesia.

Ano ang sinasabi ni Apostol Pablo kapagka ang usapin sa Iglesia ay hindi malunasan o maisaayos? Sa talatang 5 ay sinabi niya na, “Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid?” Hindi ba nalagay sa kahihiyan ang Iglesia dahil sa hindi nalunasang sigalot sa Iglesia sa pagitan ng mga pinupuna at pumupuna sa mga nagaganap na katiwalian at iba pang kasamaan sa Iglesia? Ano ang isang nakahihiyang nangyari sa Iglesia ngayon? Iyong sinasabi sa talatang 6 na, “Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga hindi mananampalataya?” May pangyayari ba sa panahon ng mga naunang namahala na nakaladkad sa mga hukuman ang usapin ng Iglesia? Hindi ba ngayon lang nangyari ito? Bakit humantong sa hukuman ang mga usapin? Dahil nga hindi nagawa ng kasalukuyang pamamahala na lunasan o ayusin ang naging gusot o sigalot sa Iglesia, sa halip ay napalala pa ng kaniyang naging mga pagpapasiya at paghatol. Itiniwalag ang mga pumupuna at nagtatanong sa pag-aakala na iyon ang tatapos ng sigalot. Sa halip na kausapin, o pagharapin ang mga kapatid na nagkaroon ng pagkakaalit sapagkat iyon naman ang aral ukol sa magkapatid na nagkaalit (Mateo 18:15-17), hindi idinaan sa prosesong ito kundi walang patumanggang iginawad ang hatol na pagtitiwalag.

Nakalulungkot na ipinipinta ni kapatid na Eduardo V. Manalo at ng mga kapanalig niya sa isip ng mga kapatid na ang ginawang pananawagan ng kaniyang ina at nakababatang kapatid sa You tube ay pagdadala ng usaping pang-Iglesia sa labas ng Iglesia, dapat daw ay sa kinikilala sa Iglesia o sa pamamahala dinala, kaya sila itiniwalag. Kapatid na Eduardo, hindi ba nagpilit nga ang inyong ina at mga kapatid na makausap kayo pero hindi ninyo pinansin. Hindi ba sa inyo rin unang idinulog ng mga ministro ang mga napunang mga maling pagbabago sa Iglesia at ang mga katiwaliang nasumpungan? Ayaw lang kasi ninyong makinig sapagkat ang paniniwala ninyo dahil kayo na ang tagapamahalang pangkalahatan kaya kayo na ang masusunod sa anomang nais ninyong ipatupad sa Iglesia, kahit iba at salungat pa sa ipinatupad ng mga naunang namahala. Kung pagsasakdal sa hukuman ang pag-uusapan, hindi ba ang inyong pamamahala ang unang naghain ng reklamong libelo laban kay kapatid na Isaias Samson, Jr. pagkatapos na siya ay itiniwalag ninyo, sa katuwirang hindi na siya kaanib sa Iglesia kaya puede nang idemanda? Ang paghahain ni kapatid na Isaias Samson ng kasong “serious illegal detention” laban sa mga miyembro ng Sanggunian ay bunga ng ginawang panggigipit sa kaniya at sa iba pang mga ministro. Ang malinaw na inihahayag sa mga pangyayaring ito ay wala nang patnubay ng Espiritu Santo ang kasalukuyang pamamahala dahil kung mayroon, katulad ng naganap sa unang Iglesia sa panahon ng mga Apostol, nalunasan kahit pa ang napakabigat na suliraning bumangon dahil pinatnubayan sila ng Espiritu ng Diyos.

Mga kapatid ang panghawakan nating matibay ay ang mga aral na itinuro o narinig natin kay kapatid na Felix Y. Manalo at kay kapatid na Eraño G. Manalo upang huwag tayong maligaw (II Tesalonica 2:15). Hindi nakapagtataka  na sa ating panahon ay may mga humiwalay sa mga wastong katuruan upang sundin ang kanilang hilig, at ang hinahanap na mga tagapagturo ay iyon lamang ibig nilang marinig sapagkat ipinagpauna na iyon ng mga Apostol (II Timoteo 4:3-4). Kung ang panghahawak natin sa aral na itinuro ng sugo at ng kapatid na Eraño G. Manalo ay magiging dahilan ng pag-uusig at panggigipit sa atin ng kasalukuyang mga namiminuno, tularan natin ang ginawang paninindigan ng mga apostol nang ipinahayag nila sa harap ng mga  umuusig sa kanila na, “dapat muna kaming magsitalima sa Dios bago sa mga tao.” (Gawa 5:29).

– Minister of the Gospel